Gov. Suarez kinalampag sa pondo para sa health workers COVID-19 CASES SA QUEZON POSIBLENG TUMAAS PA

POSIBLENG madagdagan pa ang bilang ng mga tinatamaan at namamatay sa sakit na COVID-19 sa lalawigan ng Quezon kung hindi ipalalabas ng Pamahalaang panlalawigan ang pondong nailaan na sa pasweldo ng health workers at pambili ng medical supporting equipment.

Hinimok ng mga apektadong health workers si Governor Danilo “Danny” Suarez na aksyunan ang kanilang karaingan.

Sa tala ng Department of Health, aabot na sa 700 kaso ng pagkamatay sa COVID-19 samantalang mahigit 16,000 naman ang infected ng nasabing virus. Sa ilalim ni

Suarez, ang lalawigan ang mayroong pinakamataas na bilang ng COVID-19 infections at nagtala lamang ng 1.2% vaccination rate ang probinsya kumpara sa ibang lalawigan sa CALABARZON 4-A.

Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor Leader ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa programang Dos por Dos sa DZRH, sapat ang pondong inaprubahan ng kanilang lalawigan bilang pasweldo sa mga regular at contractual employees ng Quezon. Bagamat re-enacted ang budget ng lalawigan, sasapat ang alokasyong 75.5 million pesos noong 2020 na inaprubahan mismo ni Governor Suarez.

Bagamat mas mababa ito sa 102 milyong pisong inilaan para sa pasweldo noong 2019, mayroong sapat na pera ang pamahalaang panlalawigan para tuloy-tuloy na makatanggap ng sweldo ang mga empleyado ng kapitolyo, ani Ubana.

Ipapasa sana ng Sangguniang Panlalawigan ang 2021 panukalang badyet ng gobernador kung hindi natuklasan ng walong miyembro ng board ang mahigit 200-300 milyong pisong mga proyekto na wala umano sa annual investment plan na ipinanukala mismo ni Governor Suarez at aprubado ng board.

Hindi rin aniya tugma ang panukalang 2021 budget sa isinapublikong layunin ni Suarez na maglaan ng mas malaking pondo para sa kampanya laban sa COVID-19.

Ayon kay Ubana, ginagawa lamang ng walong board members ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga halal na opisyales na protektahan ang pondong bayan. Hindi umano naaayon sa direktiba ng Department of Interior and Local Government (DILG), maging ng Department of Budget and Management (DBM) na ipasa ng pamahalaang panlalawigan ang mga proyektong walang sapat na pag-aaral at pupuntahan. (FERNAN ANGELES)

43

Related posts

Leave a Comment