Guro at mag-aaral, konsumido pa rin sa SY 2021-22 INTERNET INFRA ISAMA SA BBB – BONGBONG

0

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

INISA-ISA ni dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga programa na higit na magiging kapaki-pakinabang sa mamamayan tulad ng pagpapabilis at pagpapalakas sa internet connection ng bansa.

Mungkahi ni Bongbong sa pamahalaan na isama sa Build, Build, Build program ang mga proyektong may kinalaman sa mas maayos na internet connectivity na isa sa mga pangunahing nagpapahirap sa mga guro at mag-aaral sa kasalukuyang sistema ng distance learning.

Ayon kay Marcos, nakababahala na sa Philippine Distance Learning survey nitong Hunyo, lumabas na 67% ng mga magulang, 84% ng mga guro, at 71% ng mga mag-aaral ang nagsabing unstable mobile internet connection ang kanilang pangunahing problema sa gitna ng pinatutupad na distance learning.

Dagdag pa ni Marcos, kasing kritikal ng internet ang mga kalsada at tulay sa inaasahang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa pandemyang COVID-19 kaya’t dapat lamang itong pagtuunan ng seryosong atensyon ng pamahalaan.

Binigyang halaga rin niya ang mental health ng mga estudyante na kabilang sa mga dapat tutukan ng pamahalaan.

Ikinalungkot ni Marcos ang sitwasyon ng mga preschooler at high school students dahil hindi umano madali ang pinagdadaanan ng mga ito. Hinikayat din niya ang pamahalaan na tingnan ang posibilidad ng pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang COVID-19 infections upang maibsan ang mental pressure sa mga mag-aaral.

Dagdag pa ni Marcos, maliban sa mental health, dapat ding hanapan ng pangmatagalang solusyon ang kakulangan sa gamit sa distance learning ng mahihirap na mag-aaral upang hindi sila mapag-iwanan sa mga aralin.

Samantala, nanawagan din ang dating mambabatas na palawakin ang health care capacity ng bansa.

Reaksyon ito ni Marcos matapos lumutang ang kakulangan sa mga pampublikong ospital ngayong panahon ng pandemya.

Sa kanyang panayam sa online forum ng National Press Club, hinikayat ng nakababatang Marcos na balikan ang mga planong binuo ng kanyang ama ngunit itinigil ng Aquino administration. Aniya, mula 1986 ay wala nang naipatayong major hospital sa bansa.

Dagdag pa ni Marcos, dapat balikan ang mga proyektong ito at dagdagan ang pondo ng mga institusyon na gaya ng RITM upang dumami rin ang mga dalubhasang makatutulong sa laban ng bansa kontra COVID-19.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment