Health protocols hindi nasusunod sa mahahaba at dikit-dikit na pila KALBARYO SA AYUDA SA QC

0

KINAKABAHAN si Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na posibleng lalong lumubha ang kaso ng COVID-19 sa Quezon City dahil hindi nasusunod ang social distancing at health protocols sa pamamahagi ng Local Government sa P1,000 ayuda.

“Sigurado tataas na naman QC (COVID-19 cases),” pahayag ni Defensor nang makita ang mga larawan sa social media na kuha sa ilang barangay kung saan nagkukumpulan ang mga tao na naghihintay ng ayuda.

Ilan sa mga larawan ay kuha sa Paltok, Quezon City kung saan bagama’t naka-face mask at face shield ang mga residente na naghihintay ay dikit-dikit naman ang mga ito.

Ganito rin ang eksena sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kung saan madilim pa lamang ay kumpol-kumpol na ang mga tao na nakaupo sa gilid ng kalsada at hindi nasusunod ang isang metrong layo sa isa’t isa.

“Grabe talaga,” ayon sa mambabatas kaya nababahala ito na lalong tataas ang bilang ng mga mahahawa sa COVID-19 sa Quezon City tulad noong nakaraang taon matapos mamigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Special Amelioration Program (SAP).

Magugunita na sa isang pagdinig sa Kamara noong Hunyo 2020, kinastigo ni Defensor ang DSWD dahil pinapunta ang mga tao sa kanilang barangay para kunin ang P8,000 ayuda.

Matapos ang distribusyon sa unang ayuda, dumami ang nagkaroon ng COVID-19 na dapat aniya ay naiwasan kung nagkaroon ng sistema sa pamamahagi ng ayuda sa mga tao.

“Yung pinaka iiwasan natin, ang punto ng Social Amelioration Program na hindi magkahawa-hawa ang mga tao, yun po ang naging problema. Nagkaroon tayo ng isang polisiya sa distribusyon na nagdidikit-dikit yung mga tao at yan ay sa punto ng pangkalusugan,” banggit noon ni Defensor sa nasabing pagdinig.

Nauulit aniya ang eksena noong nakaraang taon sa P1,000 ayuda mula sa national government na ipinamamahagi ngayon ng Local Government matapos isailalim muli sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila kasama ang Rizal, Laguna, Cavite at Bulacan dahil sa pagdami ng kaso ng COVID-19. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment