Hindi makatwiran ngayong pandemya SOLON KAY LEONEN: HUWAG MALUHO

0

(BERNARD TAGUINOD)

HINDI makatuwiran ang paggastos ng lahat ng opisyales ng tatlong sangay ng gobyerno kasama na ang Korte Suprema para sa kanilang luho sa panahon ng pandemya kung saan halos lahat ng mamamayan ay naghihikahos.

Ito ang pahayag ng isang administration congressman matapos makarating sa kanyang kaalaman na nag-request ang tanggapan ni Supreme Court (SC) Associate Justice Marvic Leonen ng P5 milyon para sa renovation ng kanyang cottage sa SC Compound sa Baguio City.

Sa kondisyong huwag siyang pangalanan, sinabi ng mambabatas na hindi dapat aprubahan ang request ni Leonen na pondohan ang renovation sa cottage sa Baguio City bilang pakikiisa sa mamamayan na hindi alam kung saan kukunin ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan dahil sa pandemya.

“Palagay ko, huwag tayong maging maluho. Marami ang nagugutom tapos luho ang inuuna natin,” komento ng mambabatas.

Base sa mga dokumento, nag-request ang tanggapan ni Leonen ng halos P5 million noong Hulyo 17, 2020 para sa renovation ng cottage ni dating Associate Justice Antonio T. Carpio sa SC Compound sa Baguio City.

Kabilang sa paggagastusan ng hinihinging halaga ay landscaping sa paligid ng cottage na ayon sa mambabatas ay hindi makatuwiran dahil marami ang nagugutom dahil sa pandemya.

“Alam kong may separation of power. Puwede nilang gastusin ang kanilang pondo kung saan nila gusto pero sa panahong ito, baka hindi makatuwiran na unahin ang luho,” ayon pa sa mambabatas.

Mas makabubuti aniya kung gamitin muna ang pondo para tulungan ang mga taong nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya na hanggang ngayon ay nararanasan sa bansa.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment