Hindi pa man naaawat sa Cebu COVID-19 CASES SA LEYTE, TUMAAS DIN

SUSUNOD na tututukan ng pamahalaan ang sitwasyon sa lalawigan ng Leyte kasunod ng ulat na tumataas din ang bilang ng kaso ng COVID-19 doon.

Ayon sa ulat, tututukan din ng National Task Force Against COVID-19 ang sitwasyon ng COVID-19 cases sa Leyte.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, siya at si National Task Force on COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez ay magtutungo sa Tacloban City upang pag-aralan ang sitwasyon doon.

Bigla umanong tumaas ang kaso ng COVID-19 sa Leyte matapos umuwi ang mga LSI at OFWs.

Nauna nang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte Si Environment Sec. Roy Cimatu na magtungo sa Cebu City upang matutukan ang malalang kaso ng sakit doon.

Samantala, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang sitwasyon ngayon sa Cebu City ay isa lamang “continuing sustained transmission” ng COVID -19 at hindi second wave.

Tugon ito ng kalihim matapos na ibalik sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod dahil sa pagsipa ng COVID -19 cases.

RECORD HIGH

Samantala, muling nakapagtala ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19 ang Department of Health (DOH).

Nitong Martes, umabot sa 1,150 ang mga bagong kaso ng sakit kaya umakyat na sa 31,825 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.

Sa 1,150 bilang, 789 ang “fresh cases” o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta at na-validate sa nakalipas na tatlong araw. Ang 361 naman ay “late cases” o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta sa nakalipas na apat na araw, pero ngayon lang na-validate.

Ang 1,150 bagong kaso ang pinakamataas na naitala mula noong May 29 kung saan nagtala rin ng record high na 1,046.

Umabot naman sa 8,442 ang total recoveries matapos madagdagan ng 299 na bagong gumaling.

Nadagdagan naman ng siyam ang mga nasawi kaya mayroon nang 1,186 total deaths sa bansa. D. ANIN

Related posts

Leave a Comment