Hindi pa pwede sa Pebrero ALERT LEVEL 2 SA NCR KINONTRA NG DOH

PINALAGAN ng Department of Health (DOH) ang mga panawagan para sa pagluluwag ng alert level sa 17 lokalidad sa Metro Manila pagpasok ng buwan ng Pebrero.

Giit ni Health Undersecretary Rosario Vergeire, masyado pang maaga para isulong ang alert level 2 sa kabisera lalo pa aniya’t inaasahan pa nila ang pagdami ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa unang bahagi ng susunod na buwan.

Paliwanag pa ni Vergeire, hindi konklusibo ang mga naitatalang pagbaba ng bilang ng mga nagpositibo sa National Capital Region (NCR) na nasa ilalim ng alert level 3, sabay giit ng mga isinasagawang pag-aaral kung saan aniya nakikita ang pagdoble ng arawng kaso sa ikalawang linggo ng Pebrero.

“It’s too early to declare or to say to our people that we will shift or de-escalate to Alert Level 2,”ani Vergeire.

Batay sa pinakahuling datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), humigit kumulang 200 pang lugar sa NCR ang isinailalim sa granular lockdown bunsod ng pagtatala ng mataas na bilang ng hawaan.

Una nang sinabi ni National Task Force Against COVID-19 special adviser Dr. Ted Herbosa ang umano’y posibilidad na luwagan na ang antas ng Metro Manila bunsod ng nakikitang pagbaba ng arawang talaan ng mga nagpositibo.

Tugon naman ng DOH, ang pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 ay hindi pwedeng gawing basehan maliban na lamang kung maipatupad na ng pamahalaan ang malawakang testing ng mga residente sa nasabing rehiyon.

“So we are closely monitoring… sa ngayon hindi pa masasabi if we can de-escalate by the middle of February dito sa NCR,” pahabol ng opisyal na tagapagsalita ng departamento.

Sa kabilang dako, naitala naman ang pagtaas ng 58% ng daily COVID-19 cases sa labas ng Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon nitong Linggo.

Ayon kay OCTA fellow Dr. Guido David, posibleng magpatuloy ang paglobo ng COVID-19 cases sa labas ng tatlong nabanggit na rehiyon kaya’t dapat pa ring mag-ingat ang publiko.

Ang naturang porsiyento at mas mataas kumpara sa 12% na naitala ng OCTA noong January 11.

Sa datos ng Department of Health, umabot sa 29,828 ang nadagdag na kaso sa bansa, pinakamarami o 5,178 nito ay mula sa Metro Manila; 4,227 sa Calabarzon at 2,787 sa Central Luzon.

Indikasyon anya ito na hindi lamang sa tatlong pangunahing rehiyon nagmumula ang dumaraming bilang ng COVID-19 cases.

Samantala, bumaba naman sa 273,580 ang aktibong kaso ng COVID-19 habang umabot na sa 3,417, 216 ang mga tinamaan nito. (RENE CRISOSTOMO/CHRISTIAN DALE)

77

Related posts

Leave a Comment