Hindi pa rin bumabangon makalipas ang tatlong taon TERORISMO SA MARAWI, MAUULIT?

NABABAHALA si Senador Imee Marcos na posibleng muling sumiklab ang panibagong insidente ng terorismo sa Marawi City dahil sa pagkabalam ng mga ipinangakong rehabilitasyon ng gobyerno sa lugar sanhi ng krisis at lockdown ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.

Inihayag ito ni Marcos sa paggunita ng ikatlong anibersaryo ng Marawi Siege kasabay ng pagtatapos ng Ramadan ngayong weekend.

“Mahirap ang ginagampanang tungkulin ng military ngayon, bukod sa pagbibigay ng seguridad, nagsisilbi rin silang mga frontliner sa gitna ng problema sa COVID-19 para masiguro na maayos na madedeliber ang serbisyo. At hindi imposible na samantalahin ito ng mga teroristang grupo para manggulo,” pahayag ni Marcos.

Idinagdag ni Marcos na malakas makahikayat ng rebelyon ang mga Internatonal terrorist group gaya ng ISIS o Islamic State na napabalitang nagre-recruit ng mga disgruntled o dismayadong batang Muslim kapalit ang malaking buwanang sweldo at tulong sa mga pamilya nito.

Una nang isinulong ni Marcos bilang chairman ng Senate Committee on Cultural Communities ang Senate Bill 410 na naglalayong ibigay at patituluhan ang ilang bahagi ng malawak na military reservation para sa mga residenteng nawalan ng bahay at pinagkakakitaang negosyo noong panahon ng Marawi siege.

Giit ni Marcos, may kapangyarihan si Pangulong Duterte na ibigay at patituluhan ang naturang mga lupain at pabilisin ang proseso para matupad ang pangako ng gobyerno na rehabilitasyon ng Marawi.

Layunin din ng Marcos bill na magkaroon ng permanenteng Bangon Marawi Council dahil paulit-ulit nang nabibigo ang kasalukuyang Task Force Bangon Marawi na makatupad sa deadline at para hindi na rin abutin pa ng ilang dekada bago makumpleto ang rehabilitasyon sa Marawi.

TF MARAWI OFFICIALS, PALITAN

Nauna nang hiniling ng isang Muslim congressman na palitan ang mga namumuno sa Task Force Bangon Marawi (TFBM) dahil hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa nasabing siyudad na sinira ng giyera sa pagitan ng mga teroristang Maute group at puwersa ng pamahalaan.

Ayon kay House deputy speaker Mujiv Hataman, itinatag ang TFBM habang nasa kasagsagan ng giyera para pangunahan ang Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP).

Gayunpaman, hanggang ngayon ay hindi pa umano sinisimulan ang konstruksyon ng mga proyektong mahalaga sa pagbangon ng Marawi City gayung tatlong taon na ang problemang ito.

“Baka panahon na para balasahin o palitan ang pamunuan ng TFBM. It has been three years and still, the people of Marawi have yet to return to their homes. This is actionable negligence already on the part of TFBM,” ani Hataman.

Magugunita na noong Mayo 23, 2017 ay sinakalay ng Maute group kasama ang Abu Sayyaf Group ang Marawi City na nauwi sa giyera at naging dahilan ng pagkawasak ng siyudad. ESTONG REYES, BERNARD TAGUINOD

Related posts

Leave a Comment