HINDI REHISTRADONG COVID VACCINE, DONASYON – MALAKANYANG

0

HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na huwag mag-isip ng masama sa hindi rehistradong COVID-19 vaccine na itinurok sa ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, donasyon lamang ito at walang pondo na ginamit para ibili nito.

Tikom naman ang bibig ni Sec. Roque sa detalye hinggil sa pagkakaturok ng bakuna sa mga miyembro ng PSG na nauna nang isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
“Wala pong bayad ang pagturok sa PSG. Huwag nating masamain dahil para ito sa ikabubuti ng kalusugan ng presidente,” diing pahayag ni Sec. Roque.

Ang bakuna ay ibinigay sa mga PSG personnel sa kabila ng umiiral na batas na nagbabawal sa pag- “manufacture, importation, exportation, sale, offering for sale, distribution, transfer, non-consumer use, promotion, advertising/sponsorship of any health product that is adulterated, unregistered or misbranded.”

Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo na tinitingnan na nila ang pagkakabakuna sa PSG personnel gamit ang hindi rehistradong COVID-19 vaccine na gawa ng Chinese firm Sinopharm.

Pinanindigan naman ni Sec. Roque, na ang nasabing inisyatiba ay legal dahil ang bakuna ay donasyon at hindi binayaran ng pamahalaan.

Sinusugan ito ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sabay sabing walang naging paglabag sa pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 ng ilang miyembro ng PSG.

Giit ni Año, ipinagbabawal lang sa batas ang pagbebenta at pag-distribute ng bakuna nang hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).

Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na may mga sundalong nakatanggap ng COVID-19 vaccine galing sa SinoPharm, isang pharmaceutical company na pagmamay-ari ng pamahalaan ng China.

Ikinagalit ito ng mga healthcare group dahil sa hindi pagsunod sa priority list na mismong inilatag ng gobyerno para sa mga dapat maunang mabakunahan kontra COVID-19.

Pang-lima ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, kung saan kabilang ang PSG, sa priority list.

Nauna ring sinabi ng FDA na ilegal ang hindi awtorisadong paggamit ng bakuna.

Pero giit ni Año, ang hakbang ay ginawa para maprotektahan si Duterte.

Ganito rin ang naging pagdepensa ng AFP.

“Sila na madalas nakapaligid sa ating pangulo ay sila mismo dapat malibre sa COVID-19 upang sila ay hindi maging banta mismo sa kaligtasan ng ating pangulo,” ani AFP Spokesman Edgard Arevalo sa hiwalay na panayam.

Tiniyak din ni Año na susundan pa rin ang priority list para sa pagbabakuna. (CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment