HUEY CHOPPERS NG PAF GROUNDED

PANSAMANTALANG grounded ang lahat ng UH-ID choppers ng Philippine Air Force kasunod nang pagbagsak ng isang Huey helicopter ng Tactical Operations Group 2 (TOG-2) PAF sa Cauayan Air Station, noong Huwebes ng gabi.

Suspendido muna ang operation ng mga UH-1D military choppers ng PAF hangga’t matapos ang imbestigasyon sa nangyaring insidente na ikinamatay ng apat na mga sundalo at malubhang ikinasugat ng isa pang crew.

Pansamantalang kinansela ng PAF ang kanilang mga aktibidad habang isinasagawa ang kanilang after incident investigation upang alamin ang totoong nangyari at para hindi na ito maulit.

Magugunitang agad ipinag-utos ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring pagbagsak ng UH-1D habang nagsasagawa ng night vision goggles proficiency training.

Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na tuloy pa rin ang kanilang NVGP   training at suspendido lamang ito ngayon ngunit magpapatuloy rin pagkatapos ng imbestigasyon.

Target ng pagsisiyasat na alamin kung human factor, mechanical or material factor ang naging dahilan ng pagbagsak at pagliyab ng Huey helicopter.

Agad ding inilabas ng pamunuan ng Tactical Operations Group Region 2 (TOG-2) ang pangalan ng apat na mga namatay at isang nakaligtas, matapos na mapasabihan ang kani-kanilang pamilya.

Kinilala  mga nasawi na sina Major Christopher Caesar Urbano, piloto, residente, ng Lingayen, Pangasinan; ang co-pilot na si Capt. Feorelio Bernardo, residente ng Naga City; ang observer na si
1st Lt. Mike Tuesday Tabigne, residente ng Butuan City, Agusan del Norte; isang crew na si Staff Sgt.

John Christopher Taguiam ng Cabanatuan City, Nueva Ecija, at ang nakaligtas na si Airman 1st Class Jerry Aviles Jr., residente ng Floridablanca, Pampanga.

Sunog na sunog ang helicopter dahil carbon fiber ang structure nito bukod pa sa marami itong kargang fuel dahil palipad pa lamang ang helicopter nang mangyari ng sakuna.

Nabatid na halos limang taon pa lamang nagagamit ng PAF ang mga nabanggit na chopper na binili ng DND sa ilalim ng AFP modernization program nitong 2015   Ito aniya ang mga helicopter na marami nang nagawa dahil ito ang kanilang ginagamit sa mga relief operation, air support, nagsusuporta at naghahatid ng combat needs ng mga sundalo, gamit sa aerial flights, recon at humanitarian mission sa panahon ng kalamidad. (JESSE KABEL)

73

Related posts

Leave a Comment