ICC GINAGAMIT SA PULITIKA

0

NAGAGAMIT na sa pulitika ang resolusyon ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan si Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa “crimes against humanity” kaugnay ng kanyang war on drugs.

Ito ang tinuran ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap sa kanyang privilege speech sa Kamara kaugnay utos ng mga Huwes sa ICC na magsagawa ng full investigation sa war on drugs ni Duterte.

“Ang ICC ay nagagamit na po bilang political tool ng kalaban o ng mga taong gustong pabagsakin ang Duterte administration,” ayon sa mambabatas.

Isa sa mga gumagamit umano sa ICC issue ay si Sen. Aquilino “Koko” Pimentel dahil sa biglang pagbabago ng isip ng senador sa usapin sa ICC na nilisan ng bansa noong 2018.

Si Pimentel ang lider ng isa sa dalawang paksyon sa PDP-Laban na nagtutulak sa kandidatura ni Sen. Manny Pacquiao habang ang kabilang paksyon ay pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi na ang mga kandidato naman ay sina Sen. Bong Go at Duterte.

Ayon sa mambabatas noong 2018, ay sinuportahan ni Pimentel ang pag-alis ng Pilipinas sa ICC at tinuligsa ang walang saysay na kaso laban kay Pangulong Duterte.

“Ngayon pong nagkaroon na po ng mga kung anu-anong paksyon dyan at nagkaroon na po ng interes kung sino po yung mamanukin sa 2022 election, ngayong September 19, 2021, Madam Speaker, ito naman po ang aking nabasa at ako po ay nalaglag sa aking upuan habang binabasa ko to: “government should be cooperative in ICC drug war probe (pahayag umano ni Pimentel),” ani Yap.

Pinanindigan ng chairman ng House committee on appropriation na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas at umiiral umano ang justice system sa bansa hindi tulad ng Afghanistan na kapag may nangyari ay walang mapuntahan ang mga tao para magreklamo. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment