Idagdag sa calamity fund – solon POGO PAGBAYARIN SA P50-B UTANG

HINIKAYAT ni Senador Joel Villanueva ang Department of Finance (DOF) na paigtingin ang pagsingil sa P50 bilyong utang ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) na maaaring gamitin bilang calamity funds kung nauubos na ang pondo.

Sa pahayag, hiniling ni Villanueva sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na tiyaking makokolekta ang nakabinbin na buwis bago payagang magsara ang POGO upang magkaroon ng sapat na pondo ang pamahalaan na gagamitin sa rescue at rehabilitation ng komunidad na matinding binayo ng bagyong Rolly.

“Bago pa po magkapandemya ay naniningil na tayo, at ilang beses na rin po natin kinalampag ang isyu ng mga POGO sa mga nakaraan na pagdinig natin. Hindi naman po loan o donation ang kinokoleta natin dito, kung hindi pera ng taumbayan ito sa porma ng buwis na hindi nila binayaran,” ayon kay Villanueva.

“Ngayon pong nakadapa tayo, hindi naman po siguro kalabisan na maningil tayo sa matagal na pagkakautang ng mga POGO para sa mga kababayan natin.”

“Paubos na raw po ang ating pondo para sa mga biktima ng mga Bagyong Quinta at Rolly. Dapat pong mas maging determinado ang ating BIR na habulin ang utang ng mga POGO na nagkakahalaga ng P50 bilyon dahil magagamit natin ito pangtustos sa mga pangangailangan ng mga biktima ng bagyo,” dagdag ng Villanueva, chairman Senate labor committee.

Sa ulat na ipinalabas nitong Nov. 2, sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mayroon itong P254.35 million in standby funds na magagamit.

Mahigit 105,000 katao ang nadala sa evacuation centers sa Region 5 na matinding binayo ng bagyong Rolly. Sa kabilang dako, umabot naman sa 39,000 indibidwal ang naninirahan sa evacuation centers sa Regions 4A at 4B at sa Cordillera Administrative Region, ayon sa ulat ng DSWD.

Sinabi ni Villanueva na tinaya ng pamahalaan na aabot sa P50 bilyon ang utang ng POGO sa hindi nabayarang buwis tulad ng corporate income tax, franchise, at iba pa.

Aniya, nakatakdang umalis ang POGO firns dahil nilimitahan ang kanilang operasyon sanhi ng paghihigpit sa quarantine. Sa Metro Manila na nasa ilalim ng general community quarantine, pinayagan ang POGO firms na mag-operate sa 30% kapasidad.

Nagtitiwala naman si Villanueva sa economic manager ng bansa, na kumilos nang maayos sa usaping pinansiyal sa pagtugon sa pandemya, na mapupunan nila ang pangangailangan ng LGU na nagparataing ng distress call matapos ang pananalasa ng bagyong Rolly.

“We trust that Finance Secretary Sonny Dominguez would continue to nudge our revenue generating agencies to collect what is rightfully due our people. Now more than ever, we need to plug tax leaks because the lives of the displaced depend on the assistance of our government. We cannot and we should not fail them,” ayon kay Villanueva. (ESTONG REYES)

124

Related posts

Leave a Comment