Iikot sa Montalban sa ika-49 anibersaryo ng bayan PAGKAIN IHAHATID NI CONG. NOGRALES

IIKOT sa iba’t ibang bahagi ng bayan ng Rodriguez sa lalawigan ng Rizal si 2nd District Rep. Fidel Nograles upang magbigay ng pagkain at iba pang ayuda sa kanyang mga kababayan.

Ang aktibidad ng mambabatas ay isasabay sa paggunita sa ika-49 Araw ng Montalban ngayon.

Walang gaganaping pagtitipon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine ngunit nakaisip ng ibang ideya si Nograles upang maipagdiwang ang okasyon.

Nakatakdang ilunsad ni Nograles ang Food and Nutrition program sa nasabing bayan bilang paggunita sa makasaysayang araw na ito at personal siyang bibisita sa iba’t ibang barangay para mamahagi ng mga pagkain sa 2,000 mahihirap na pamilya.

“Imbes na ang mga kababayan natin ang dudumog, tayo na po ang lalapit sa kanila, practicing the proper protocol, of course,” pahayag ng mambabatas. Isiniwalat din niyang ang food package ay kabibilangan ng buhay na manok at isang bag ng mga gulay na kailangan para mapanatiling malusog ang pangangatawan sa gitna ng pandemic.

“Magandang mapag-usapan ang isyu ng kalusugan sa panahon na ito, kaya gagamitin natin itong pagkakataon para marinig ang hinaing ng mga kababayan natin at para rin magabayan sila sa mga hakbang na puwede nilang gawin para siguruhin ang kalusugan ng pamilya,” ani Nograles.

Ayon pa sa mambabatas, nakipag-coordinate siya sa local agriculture office upang ang mga pamilyang nais magtanim ng gulay at iba pang food crops ay mabigyan ng starter kits.

Samantala, muling binanggit ni Nograles ang kanyang isinusulong na ibalik sa dating pangalan na Montalban ang nasabing bayan, sa pamamagitan ng House Bill No. 337 na kanyang inihain noong First Regular Session. Ang nasabing panukala ay naglalayon ding tugunan ang kalituhan hinggil sa pangalan ng nasabing bayan gayundin ang kawalan ng koneksyon ng mga mamamayan nito sa pamahalaang lokal.

“The name Rodriguez has simply not stuck almost forty years after the name change.

Almost everybody still calls the town Montalban, even outsiders. Naniniwala tayong mas mapapalapit ang taumbayan sa pamahalaang-lokal kung ibabalik natin ang pangalang Montalban,” dagdag pa ng mambabatas. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

Related posts

Leave a Comment