IMBESTIGASYON SA OVERPRICED MED EQUIPMENTS GUMULONG NA

SINIMULAN na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon nito kaugnay sa diumano’y overpricing na pagbili ng medical equipment sa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) crisis.

Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Lunes sa kanyang weekly report sa Kongreso.

Ani Pangulong Duterte, ang mga indibidwal na idinawit sa sinasabing overpricing ng automated extraction machines ay ipinatawag ng NBI upang tiyakin kung mayroong paglabag sa Price Act at sa Bayanihan to Heal as One Act.

Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye pa ang Pangulo.

Samantala, sa ulat, pinadalhan na ng NBI ng subpoena ang mag-asawa na may-ari ng isang medical equipment at supplies trading na sinasabing sangkot sa pagmonopolya at overpricing ng testing kits para sa COVID-19.

Sinabi naman ng mag-asawang Van William at Emily Co, may-ari ng Omnibus Bio-Medical Systems Inc. na nakahanda silang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI.

Ang mag-asawa ay una nang inakusahan ni Iloilo Rep. Janette Garin na lumabag sa Price Act and the Bayanihan to Heal as One Act.

Una nang dumepensa ang mag-asawa, opisyal na distributor ng Sansure Biotech Inc., na nakabase sa Changsa City sa Hunan, China na walang basehan at peke ang alegasyon ni Garin na nag-overcharge ang kumpanya at pinahinto ang iba sa pagbebenta ng testing kits.

Iniutos naman ni Pangulong Duterte ang imbestigasyon matapos nitong sabihin sa kanyang privilege speech na “halang ang kaluluwa” ng mag-asawa dahil sa overpricing sa presyo ng test kits at paghadlang na makapasok sa bansa ang mga karibal nitong produkto.

Maging si Sen. Panfilo Lacson ay tinalakay ang umano’y overpricing ng Omnibus sa Sansure’s Natch nucleic acid extractor na ibinenta sa halagang P4 milyon gayung P1.75 milyon lang kapag binili sa manufacturer. CHRISTIAN DALE

Related posts

Leave a Comment