Iniyabang na COVID report, itinanggi ng WHO; NA-FAKE NEWS SI KIKO

MISTULANG biktima ng fake news si Senador Francis Pangilinan matapos itanggi ng World Health Organization (WHO) ang ulat na sa kanila nanggaling ang konklusyon na nangunguna na ang Pilipinas sa coronavirus cases sa Western Pacific region.

Pinatulan kasi ng senador ang ulat matapos malathala sa isang pahayagan.

Nauna nang sinabi ni Pangilinan na ayon sa pagsusuri ng WHO, Pilipinas ang may pinakamabilis na pagtaas ng kaso ng COVID.

“Yan ang diplomatic na paraan ng pagsabi na tayo sa Pilipinas ang pinakamalala sa buong Western Pacific region.

Yan ang pagbubukod-tangi ng Pilipinas: pinakapalpak na pagtugon sa pandemya,” aniya.

Ayon pa sa mambabatas, “nakakahiya sana sa mga kapit-bansa natin, pero mas nakakahiya sa kapwa Filipino, sa mga doctor at nars, at med tech at sa lahat ng nagbuwis ng buhay para masugpo ang sakit.”

“Sa lahat ng sumunod at sumusunod sa sari-sari at madalas magulong mga guidelines tulad ng pagbubukas pero walang public transport,” ani Pangilinan.

Ngunit kahapon ay pinalagan ng WHO ang nasabing ulat at itinangging nagmula ito sa kanila.

Sa kabila na ang WHO ang nagbibigay ng data sa COVID-19 cases sa iba’t ibang bahagi ng mundo ay hindi naman nito ikinukumpara ang pandemic response ng mga bansa.

“The World Health Organization does not compare countries or makes such assessments,” ayon kay Philippine representative Dr. Rabindra Abeyasinghe.

“It is unfair to say that WHO made that comment or assessment we did not… The World Health Organization never made such a comment or an assessment,” dagdag na pahayag nito.

Ang pahayag na ito ni Abeyasinghe ay matapos na ilabas ng isang pahayagan ang analysis report base sa data mula sa WHO ukol sa pagtaya ng bilang ng virus infections sa bansa.

Base sa WHO-Western Pacific Region data, ang Pilipinas ay may pinakamaraming bilang ng bagong kaso mula Hunyo 17 hanggang 23, at may pinakamabilis na 7-day moving average.

UMALMA

Inalmahan naman ng Malakanyang ang pahayag umanong ito ng WHO na ang Pilipinas ay nakapagtala ng pinakamabilis na bilang ng mga bagong COVID-19 cases sa 20 bansa at teritoryo sa Western Pacific Region.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nasa ikaanim na puwesto lamang ang Pilipinas sa Western Pacific Region kung hahatiin ang bilang ng mga kaso sa kada milyong populasyon.

Sa katunayan, sinabi ni Roque na nangunguna ang India sa mayruong pinakamaraming confirmed COVID-19  cases sunod ang Pakistan, Bangladesh, Indonesia at Singapore

Sinagot din ni Roque ang puna ng ilang social media users na ang India, Pakistan at Bangladesh ay hindi sakop ng Western Pacific Region dahil ang mga nasabing bansa aniya ay nasa record ng WHO bilang Western Pacific Countries at pawang asian countries.

Binigyang-diin pa ni Roque na hindi makatuwirang ikumpara ang Pilipinas sa Singapore na ang populasyon ay nasa limang milyon lamang o halos kasinglaki ng Quezon City o lungsod ng Maynila.

BINIRA

Binanatan din ng Malakanyang si Senador Pangilinan dahil wala umanong dahilan para mahiya ang Pilipinas kung pag-uusapan ay ranking nito sa Western Pacific Region kaugnay ng mga naitatalang kaso ng COVID 19.

Ani Sec. Roque, walang dahilan para makaramdam tayo ng hiya dahil hindi naman talaga tayo ang nangunguna sa Western Pacific Region kung density ng COVID ang isyu.

Lumalabas nga, ani Sec. Roque na kulelat ang Pilipinas sa mga bansa sa rehiyon na pinakamabilis na dumami ang kaso ng virus at suportado aniya ito ng ebidensiyang hindi nagsisinungaling.

Aniya, kung idi-divide ang kaso sa per million population, lalabas na ang pinakamataas sa Western Pacific Region ay India (549,197)… sumunod ang Pakistan (202,955) … pangatlo ang Bangladesh (137,787) habang pumapang-apat ang Indonesia (54,010) na sinusundan ng Singapore (43,459) at pang-anim ang Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment