Isang taon makalipas ang isyu ng magnetic cylinder PDEA NGANGA PA RIN SA P1-B SHABU

WALA pa ring napapanagot sa batas makalipas ang isang taon mula nang madiskubre ang mahigit P1 bilyong droga sa isang warehouse sa lungsod ng Malabon.

“Kailangan na linisin ang mga ahensyang pugad ng korapsyon at panloloko. Walang makakaligtas sa ating bantay.”

Ito ang deklarasyon ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap matapos ihain ang House Resolution (HR) 1330 na nag-aatas sa House committee on dangerous drugs na imbestigahan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil wala pa ring napapanagot ang mga ito sa kabila na na-detech nila ang shabu shipment na isinilid sa aluminum pallets noong 2019.

Ayon sa mambabatas, Mayo 2019 nang madiskubre ang shabu na ipinalaman sa 114 bar ng aluminum pallet sa Goldwin Commercial Warehouse sa Brgy. Santolan, Malabon City, na ayon sa briefer report ng National Bureau of Investigation (NBI) ay nagkakahalaga ng P1.162,800,000.

“Higit isang taon na mula noong may nadiskubreng drugs sa shipment na dapat tapioca starch ang laman, pero di pa rin napapanagot ang mga responsableng tao sa kapabayaang ito,” ani Yap.

Base sa paunang imbestigasyon, ang shipment ay dumating sa bansa noong Enero 2019 at dahil hindi nakapaghain ng import entry pass and consignee sa Customs ay kinumpiska ito ng gobyerno.

“May natanggap na impormasyon na baka may droga na nakatago sa shipment kaya pinatawag ang Customs at PDEA officers noong March 2019 para suriin at kumpirmahin kung may droga nga rito. Sa ipinasa nilang report, inilagay na ang laman ng shipment ay walang marka ng kahit anong dangerous drugs, controlled precursors, o essential chemicals,” anang kongresista.

Dahil cleared umano ang shipment, in-auction ito at nanalo ang Goldwin Commercial at ilang araw matapos ideliber ang shipment sa kanilang warehouse ay may nakita ang mga ito na white crystalline substance na lumabas sa mga aluminum pallet.

“Nung sinuri muli, positive sa droga. Ang problema dito, sinuri ito bago i-auction tapos cleared. Pero noong sinuri muli, biglang positive na sa droga? Siguradong may kapabayaan na nangyari dito. Paano nakalagpas sa Customs ito? Bakit ni-report ng PDEA na cleared ito kung napatunayan na naglalaman ng droga ang shipment na ito? Sino-sino ang responsable para dito,” ayon pa kay Yap.

“Paano na tayo kung ang inaasahan natin na ahensya na magbibigay proteksyon sa mga Pilipino, sila pa ang nangunguna sa panloloko sa atin? Tututukan natin ito hangga’t may mapanagot,” dagdag pa ng mambabatas kaya nagpatawag ito ng imbestigasyon upang mabigyan ng kasagutan ang mga hindi pa nasasagot na mga katanungan sa mga shipment na ito at mapanagot ang mga dapat managot. (BERNARD TAGUINOD)

57

Related posts

Leave a Comment