Isusulong ni Nograles sa Kamara PROTEKSYON SA LAW PROFESSIONALS

0

(BERNARD TAGUINOD)

PINAG-AARALAN na ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang batas na ihahain sa mababang kapulungan ng Kongreso para mabigyang proteksyon ang mga alagad ng katarungan sa bansa.

Kasabay nito, ikinatuwa ng mambabatas ang pagtutulungan ng Supreme Court (SC) at Department of Justice (DOJ) para aksyunan ang patuloy na pagpaslang sa mga law professional na umaabot na sa 56 mula noong 2016.

Huling biktima ng pag-atake sa law prefessionals si Atty. Winston Intong na pinatay malapit sa kanilang bahay sa Malaybalay, Bukidnon noong nakaraang linggo, isang araw matapos magpulong ang SC at DOH kasama ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) kaugnay ng pagpatay sa mga abogado at hukom.

“That another lawyer has been killed just a day after the meeting underscores the urgency of the issue. I thank the SC and DOJ for collaborating to put an end to these acts of impunity. We cannot wait soon enough for this issue to be resolved,” ayon sa Harvard trained lawyer na si Nograles.

Ayon sa mambabatas na vice chairman ng House committee on justice, inaantay nito ang report ng SC hinggil sa kanilang pulong sa DOJ, IBP at iba pang ahensya para makagawa ito ng panukalang batas para maproteksyunan ang mga kagawad ng katarungan sa bansa.

Iginiit ng mambabatas na kailangan ang pagtutulungan ng lahat ng sangay ng gobyerno, ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura para magkaroon ng isang direksyon para sa “safer environment for the administration of law and justice” sa bansa.

“Mag-aambag din po ang Kongreso at makikipagtulungan kung anong batas ang kailangang maipasa upang masigurong ligtas ang mga kumikilos para sa pananaig ng batas at upang magkaroon nang mas maayos na klima para sa pagtaguyod ng hustisya sa bansa,” ani Nograles.

Good news din aniya para sa mga kaanak ng mga pinapatay na abogado at hukom ang plano ng SC na atasan ang mga korte na mag-imbentaryo sa hindi umuusad na kaso ng mga pinatay na abogado at bilisan ang pagresolba sa mga ito.

Ang planong ito ng SC ay kasunod ng report ng DOJ na sa 56 kaso ng pagpatay sa mga abogado, 5 pa lamang ang nakarating sa korte habang ang 51 iba pa ay walang datos mula mga prosecutors office na nagpapakita na naisampa na ito.

Noong nakaraang taon ay inihain ni Nograles ang House Resolution (HR) 185 para imbestigahan ang pagpatay sa law practitioners at bumuo ng isang special task force ang DOJ at Philippine National Police (PNP) para habulin at panagutin ang mga utak sa pagpatay sa mga abogado sa pakikipagtulungan sa Commission on Human Rights (CHR) at IBP.

Related posts

Leave a Comment