Kakayahan sa pagbili ng shares sa Malampaya kwestyonable UDENNA LUBOG SA UTANG?

0

(ESTONG REYES)

HINDI pa man tapos ang pagsusuri sa kakayahan ng Udenna Corporation na bilhin ang controlling stakes ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya gas field, kinuwestyon ni Senador Win Gatchalian ang pinansyal na estado ng kumpanya matapos suspendihin ng PH Resorts Group Holdings Inc., na pag-aari rin ng Udenna, ang casino project nito sa Clark dahil sa pagkalubog sa utang.

“Maliwanag na red flag ito sa tunay na estado ng Udenna. Paano natin mapagkakatiwalaan ang kumpanyang lubog sa utang? Una, nabili ng Udenna ang 45% stake ng Chevron sa Malampaya sa pamamagitan ng loans. Ngayon, gusto naman ng Udenna na mapasakamay nito ang stake ng SPEX na siyang operator mismo ng Malampaya,” ani Gatchalian.

“Hindi isang ordinaryong asset ang Malampaya. Kaya kailangang siguruhin natin na anomang transaksyon na may kinalaman dito ay dapat dumaan sa masusing pagsusuri at due diligence ng gobyerno upang magarantiya sa mga kababayan natin na ang sinoman na papalit na kumpanya ay talagang kwalipikado at may kakayahang magsuplay ng kuryente,” dagdag pa ng senador.

Pinupunan ng Malampaya ang aabot sa 26% na pangangailangang suplay ng kuryente o tinatayang 3.7 milyong sambahayan sa Luzon.

Sa isang pagdinig na isinagawa ng Senado noong Hulyo, sinabi ni Philippine National Oil Company-Exploration Corp. (PNOC-EC) president and chief executive officer Rozzano Briguez sa Energy Committee na ang $375 milyon sa kabuuang $565 milyong ipinambili sa Chevron ng UC Malampaya Philippines Pte. Ltd. na isang kumpanya sa ilalim ng Udenna Corp. ay inutang mula sa tatlong bangko at ang natitirang $157 milyon ay nagmula sa “net entitlements” ng Malampaya samantalang ang $33 milyon naman ay galing sa stock issuance ng kumpanya.

Ang PNOC-EC ay nagmamay-ari ng 10% ng Malampaya project.

Matatandaang napabalita noon lamang Mayo ang paglagda sa kasunduan ng Shell Petroleum NV at Malampaya Energy XP Pte Ltd., isang subsidiary company ng Udenna Corp., kaugnay ng bentahan sa stake ng Shell sa Malampaya.

Batay sa mga naglabasang balita, popondohan ng foreign banks ang ipambibili ng negosyanteng si Dennis Uy, may-ari ng Udenna, sa SPEX. Ang natukoy na foreign banks din mismo umano ang nagpondo sa ipinambili ni Uy sa stake ng Chevron sa Malampaya.

Samantala, sa isyu ng PH Resorts Group, napabalitang umabot na sa P7.2 milyon ang utang ng naturang kumpanya at tinaningan na ito ng mga creditor bank, bagay na naging dahilan upang suspendihin muna ang casino project sa Clark.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment