KARAHASAN DULOT NG GUTOM IWASAN – MARCOS

NAGBABALA si Senator Imee Marcos na posibleng sumiklab ang kaguluhan o karahasan sa Metro Manila kung hindi kaagad matutugunan ang kakulangan ng supply sa pagkain na
ngayon ay unti-unting nararanasan sa mga pamilihan.

Ayon sa senador, hindi malayong magkagulo sa Metro Manila kung magpapatuloy ang nararanasang kagutuman sa mga pamilyang walang pinagkakakitaan dahil sa pinaiiral na extreme quarantine.

Kaugnay nito, nanawagan si Marcos na agad ipamigay nang libre ang tone-toneladang sakong bigas na nasa mga bodega ng National Food Authority (NFA) kabilang na ang mga frozen assorted fish sa Bureau of Customs at mga COVID-19 test kits at face mask na nakatengga sa Ninoy Aquino International Airport para pakinabangan ng mga taga-Metro Manila.

“’Wag nang patagalin ‘yan! Gawin nating priority ang Metro Manila. Dapat i-distribute na ang mga bigas na ‘yan na nabuburo lang sa mga bodega ng NFA.

Huwag na nating hintayin pang magutom ang mga kababayan natin na maaring pagsimulan ng kaguluhan,” pahayag ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na base sa pakikipag-usap nito sa mga alkade ng Metro Manila, pumayag ang mga ito na sila mismo ang magsaayos ng mga bodega na paglalagakan ng
sak-sakong bigas na manggagaling sa NFA.

Ayon pa sa senador, maaari namang i-donate na lamang ang assorted frozen fish na nasa BoC sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para mabilis itong maipamahagi sa MM.

Nilinaw rin ni Marcos na dahil sa epekto ng COVID-19, ang mga arawang manggagawa, mga namamasada at maliliit na empleyado na nawalan ng trabaho ay wala na sa ngayong kakayahang makabili ng pang araw-araw na kakainin at kailangan kagyat na tulungan ng pamahalaan. NOEL ABUEL

Related posts

Leave a Comment