Kawalan ng integridad tutumbukin ni Calida QUO WARRANTO VS AJ LEONEN PINALALAKAS

NELSON S. BADILLA

PINALALAKAS ng Office of the Solicitor General (OSG) ang mga argumento nito sa paghahain ng quo warranto sa Korte Suprema upang mapatalsik si Associate Justice (AJ) Marvic Leonen dahil sa kawalan ng “integridad.”

Kailangang makumbinsi ng tanggapan ni Solicitor General Jose Calida ang mayorya ng labing-apat na mahistrado ng mataas na korte na kailangang matanggal din si Leonen dahil sa hindi nito pagpasa ng Statements of Assets Liabilities and Networth (SALN) nang labinglimang ulit sa loob ng 21 taong pamamalagi sa University of the Philippines-College of Law, sa pamamagitan ng petisyong quo warranto.

Ang aksyon ng OSG ay nakabatay sa kahilingan ni Atty. Larry Gadon.

Ang integridad, ayon sa Konstitusyong 1987, ay isa sa mga katangiang kailangang makita sa opisyal ng pamahalaan, lalo na kung kabilang ito sa pinakamataas na puwesto sa hudikatura.

Ang pagkakaalam ng lahat ng abogado ay matatanggal lamang ang mga mahistrado ng Korte Suprema, sa pamamagitan ng impeachment na siyang nakasaad sa Saligang Batas.

Si Ma. Lourdes Sereno ay natanggal bilang punong mahistrado ng Korte Suprema noong Mayo 2018, sa pamamagitan ng quo warranto na ang naging batayan ay ang hindi niya pagpasa ng kumpletong SALN noong nagtuturo pa siya sa U.P. College of Law na bahagi na ng Philippine Jurisprudence.

Ang kasong paglabag sa Republic Act 6713, partikular ang mga probisyon tungkol sa SALN, ay ikinabit ni Calida sa Artikulo VIII at Seksyon 7 ng Konstitusyon upang madiin sa “kawalan ng integridad” ni Sereno.

Batay sa rekord na ipinasa sa mataas na korte, anim na taon (katumbas ng anim na ulit) na hindi nakapagpasa si Sereno ng kanyang SALN habang konektado pa ito sa U.P. College of Law.

Batay sa impormasyong naglabasan sa media, labinlimang taon, o labinlimang ulit, hindi nagpasa ng kanyang SALN si Leonen sa 21-taon niya sa U.P. College of Law.

Nagsimula si Leonen sa U.P. noong 1989 at natapos noong 2010.

Inaasahang sa paglabag na ito sa SALN ididiin ni SolGen Calida si Leonen kapag naihabla na ang huli sa Korte Suprema gamit ang petisyong quo warranto.

Inaasahang aktibong kikilos at makikipagtulungan si Gadon sa OSG upang magtagumpay ang quo warranto laban kay AJ Leonen kaugnay sa isyu ng integridad.

58

Related posts

Leave a Comment