Korapsiyon sanhi ng insurhensiya sa Pilipinas DUTERTE SAPOL KAY PACQUIAO

0

(ESTONG REYES)

LATAY kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ni Senador Manny Pacquiao na korapsiyon ang dahilan kaya laganap ang insurhensiya sa Pilipinas na nagpalubog sa kahirapan sa mamamayan sa kanayunan.

Sa ginanap na maikling seremonya sa presentasyon ng 130 Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) surrenderees sa 88th Infantry Battalion Headquarters sa Maramag, Bukidnon, sinabi ni Pacquiao na korapsiyon ang dahilan kung bakit kapos sa edukasyon, walang imprastruktura at disenteng hanapbuhay sa kanayunan.

Aniya, kaya madaling nahihikayat ang mga Lumad na kalabanin ang pamahalaan dahil sa kawalan ng tuloy-tuloy na suporta sa kanilang komunidad.

“Hindi nabibigyan ng suporta ang ating mga Lumad dahil sa matinding kurapsyon. Yung mga pondo na napupunta dapat sa pagpapatayo ng mga paaralan, paglalagay ng mga kalsada sa kanayunan at pagbibigay ng kabuhayan ay napupunta sa mga korap at mga ganid na politiko.

Kailangan nating ubusin itong mga korap upang mas marami pang rebelde ang magbalik-loob sa ating pamahalaan,” paliwanag ni Pacquiao.

“Nagkakaroon ng pagkakataon itong mga NPA na mag-recruit sa mga Lumad communities sa kawalan ng kabuhayan at kawalan ng suporta sa edukasyon galing sa pamahalaan,” dagdag niya.

Sinabi ni Pacquiao na nakipag-usap na siya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 10 na bigyan ng suporta ang mga sumuko mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng pamahalaan.

Binigyan ng pondo ang mga sumuko, karamihan mula sa Manobo-Higaonon tribe na marami sa Central Mindanao, para sa rabbit farming.

Ayon kay Pacquiao, lumagda na sa kasunduan ang ilang imbestor sa Davao City at General Santos City na bibilhin ang kanilang produktong rabbit.

Idinagdag pa ng senador, tubong Kibawe, na bukod sa kabuhayan, kailangan din umanong pabilisin ang implementasyon ng Republic Act 8371 o kilala bilang “The Indigenous Peoples Rights Act of 1997”.

Aniya, isang malinaw na lumalalang problema ng Lumad communities ang kawalan ng pabahay kahit nakatakda sa RA 8371 na ginagarantiyahan ang kanilang karapatan sa ancestral domain.

Sinabi pa ni Pacquiao na dapat pabilisin ng National Commission of Indigenous Peoples (NCIP) ang pagpapalabas ng ancestral domain titles para sa Lumads bilang bahagi ng pangako ng pamahalaan na tulungan ang IPs.

“Ang laganap na insurgency sa bansa ay bunga ng kapabayaan ng ating pamahalaan. Kailangan natin ang makatotohanang pagtulong para sa ating mga mahihirap upang mas magkaroon ng kapayapaan sa ating bayan,” ayon kay Pacquiao.

Matatandaang numero unong kampanya ni Pangulong Duterte ang pagsugpo sa korapsyon bago pa man siya naupo sa Malacanang subalit hindi pa rin ito napagtatagumpayan kahit ngayong halos dalawang taon na lamang siya sa pwesto.

 

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment