Kung napaglaruan sa QC shootout PNP-PDEA PANIS SA DRUG LORDS *House, Senate probe pinatiklop ni Digong

0

(BERNARD TAGUINOD)

MANGANGAHULUGAN na nakalalamang sa taktika ang mga drug lord kaysa law enforcement agencies kung kaya silang paglaruan ng mga ito tulad ng pinalalabas sa nangyaring barilan ng mga tauhan ng Quezon City Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong isang linggo.

“Are they telling us now that the drug syndicates are better and have higher IQ than our police and PDEA? The criminals now outsmart our law enforcers?”

Ito ang ibinatong tanong ni ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo sa Philippine National Police (PNP) at PDEA matapos sabihin umano ng mga lider ng dalawang law enforcement agencies na posibleng pinaglaruan sila ng mga drug lord kaya nauwi sa madudong engkuwento ang kanilang operasyon.

Tila hindi ito nagustuhan ni Tulfo dahil sangkatutak aniya ang intelligence funds ng nasabing mga ahensya kaya tatandaan umano nila ang insidenteng ito sa susunod na budget hearing.

“We in this 18th Congress will remember these shootouts when the budgets, especially the intelligence funds components, of the PNP and PDEA are presented,” ayon sa mambabatas.

Hindi naniniwala ang mambabatas sa sinasabi ng PNP at PDEA na nagkaroon ang mga ito ng koordinasyon dahil hindi mauuwi sa engkuwentro ang operasyon kung nakipag-ugnayan sila sa isa’t isa.

“Last week’s shootout does not look like there was any hint of IQ,” dagdag pa ng mambabatas subalit malalaman at malalaman aniya ito sa sandaling matapos na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

 

IMPARTIAL
INVESTIGATION

Nauna rito, hiniling ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na iantala ng Kongreso at Senado ang kanilang imbestigasyon para hayaan ang NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Biyernes ng gabi ay pinulong ni Pangulong Duterte sa Malakanyang sina PNP chief Police General Debold Sinas, PDEA director general Wilkins Villanueva, Justice Secretary Menardo Guevarra at NBI deputy director for regional operations Atty. Antonio Pagatpat. Kasama rin ng mga ito si Senador Bong Go.

Ayon kay Sec. Harry Roque, hangad ni Pangulong Duterte na magkaroon ng “impartial investigation” sa PNP-PDEA shooting incident sa Quezon City.

Layon din aniya ng pangulo na maiwasan ang malilikot na pag-iisip ng publiko at para na rin aniya sa “peace of mind” ng mga biktima na ang nais ay patas na imbestigasyon.

Bukod dito, inatras na rin nina Sinas at Villanueva ang kanilang sanib-puwersang imbestigasyon.

Nabatid na hindi na rin tuloy ang imbestigasyon ng komite ni Senador Ronald dela Rosa sa Marso 2.

 

TIKLOP MUNA

Dahil dito, hindi matutuloy ang imbestigasyon ng Kamara na nakatakda sana ngayong Lunes.

Inanunsyo ito ni House committee on dangerous drugs chairman Rep. Robert Ace Barbers noong Sabado matapos atasan ni Pangulong Duterte ang NBI na imbestigahan ang nasabing engkuwentro.

“Please be advised that in light of Pres DU30’s instruction to the NBI to conduct an impartial investigation on the PNP and PDEA incident, our scheduled Committee hearing/investigation in aid of legislation on Monday, March 1, 2021 , is temporarily suspended as a courtesy to and in order not to hinder the ongoing investigation…will keep you all posted on the developments,” ang advisory ni Barbers noong Sabado.

Magugunita na agad nagkasa ang Kamara at maging ang Senado ng imbestigasyon sa nasabing engkuwentro noong Miyerkoles ng hapon na ikinamatay ng dalawa sa panig ng PNP at dalawa sa PDEA.

Nais ni Barbers na alamin kung talagang may koordinaryon ang dalawang nabanggit na law enforcement agency laban sa ilegal na droga tulad ng sinasabi ng kanilang matataas na opisyal.

Naniniwala ang mambabatas na kung may koordinasyon tulad ng nakasaad sa Republic Act (RA) 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay hindi sana naganap ang engkuwentro.

Bukod dito, gustong maestablisa ng mambabatas kung nilabag ng PDEA ang batas na nagbabawal sa kanila na magsagawa ng sell-bust at alamin kung bakit maraming matataas na opisyal ng PNP sa lugar kung saan nagkaroon ng engkuwento.

 

HINDI
MALINAW

Sa kabilang dako, inihayag ni Senador Panfilo Lacson na kailangang pagbutihin ng mga awtoridad ang mga polisiyang ginagamit sa operasyon laban sa ilegal na droga upang hindi na maulit ang madugong misencounter na nangyari sa pagitan ng mga operatiba ng PNP at PDEA.

Ayon kay Lacson, ang isa sa mga sistemang isinasagawa sa usapin ng ilegal na droga ay dapat ang PDEA ang magsisilbing “overseer” sa operasyon kung saan nakatutok lamang ito sa intelligence habang ang pagsalakay o pagtimbog ay ipauubaya sa mga sinanay na tauhan ng PNP.

“We have to resolve the trust issue between the PNP and PDEA. But it would be better if the PDEA acted as overseer in anti-drug operations, and focus on intelligence-gathering, whether it is technical or human intelligence,” paliwanag ni Lacson sa panayam sa kanya ng DZBB.

Ang nabanggit na sistema ay ginagamit na ng ibang bansang nagpapatupad ng seryosong kampanya laban sa ilegal na droga.
Sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon, nakikita ni Lacson na ang pamahalaan at mga mambabatas ay higit na mabilis mag-isip ng paraan para masugpo ang droga at maunahan ang mga sindikatong nasa likod ng mga ito.

“Kailangan ng gobyerno, kaming mga policy makers, two to three steps ahead sa iniisip ng sindikato,” banggit ng mambabatas.

Nagpahayag din ng suporta si Lacson sa Senate Bill 3 ni Senate President Vicente Sotto III, kung saan itatatag ang Presidential Drug Enforcement Authority bilang supervising agency, na magbubuo rin ng polisiya at istratehiya laban sa ilegal na droga.

Sa panig naman ng mga may pananagutan sa madugong engkuwentro ng PDEA at PNP, binanggit ni Lacson na dapat ay sampahan ang mga ito ng mga kasong kriminal dahil sa maraming buhay na nalagas sa insidente.

 

BIGONG
KAMPANYA

Nababahala rin ang mambabatas sa kinahahantungan ng kampanya ng kasaluyang administrasyon laban sa droga.

“Sad to say, the government’s anti-drug efforts have not succeeded. Otherwise, we would have made a big dent in the operations of drug syndicates. This is shown by the mere fact that shabu is still being sold and so many drug addicts are roaming the streets,” dugtong pa ni Lacson.

Simula nang ilunsad ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga noong Hulyo, 2016, ang naganap noong Miyerkoles pa lamang ang ‘matindi’ at ‘totoong’ engkuwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP at PDEA.

Noong 2020, ang nakabangga ng mga tauhan ng PNP ay apat na mga sundalo na kanilang napatay habang naniniktik laban sa drug lord. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment