Lazada, Shopee, Facebook mananagot PRODUKTONG BAWAL BINEBENTA ONLINE

MANANAGOT ang lahat ng electronic commerce o eCommerce platforms kasama ang kumpanya o sinomang partidong nagbebenta ng mga bawal na digital products sa ilalim ng panukalang Internet Transactions Act, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sinabi ito ni Gatchalian matapos maglabas kamakailan ang National Telecommunications Commission (NTC) ng show cause at cease and desist orders laban sa Lazada, Shopee at Facebook Marketplace kasunod ng pagbebenta nila ng SMS blast machines sa online shopping sites.

“Sa aking panukalang batas o Senate Bill No. 1591, isinama dito ang probisyon na Joint and Solidary Liability para maging responsable ang mga ganitong platforms at mabigyan ng proteksyon ang ating mga konsyumer,” ani Gatchalian, punong may-akda ng nasabing panukalang batas.

Sa ilalim ng Section 17 ng SB 1591 o ang panukalang Internet Transactions Act, dapat alam ng online eCommerce platform kung ang ibinebentang digital products ay pinapayagan ng mga umiiral na batas. Dapat din na alam nila kung ang online merchant o nagbebenta ng digital products ay rehistrado sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at maaari itong ialok ng eCommerce platform dahil kung hindi, pareho silang pananagutin sa batas batay sa tinatawag na solidary liability.

Sinabi ng NTC na lumalabas na may paglabag sa Radio Control Law at iba pang regulasyon katulad ng kanilang Memorandum Order 01-02-2013 o ang Prohibition of Portable Cellular Mobile Repeater and Portable Cell Site Equipment ang pagbebenta ng text o SMS blaster machines at mga kapareho nitong equipment.

Layon ng panukalang batas na maproteksyunan ang mga konsyumer laban sa mga unethical, ilegal, at mga hindi katanggap-tanggap na pamamaraan ng pagnenegosyo ng mga nasa eCommerce, paliwanag ni Gatchalian. (ESTONG REYES)

60

Related posts

Leave a Comment