LOPEZ, ‘KALAHATING’ FILIPINO NA NGA HINDI PA TAPAT NA PINOY

KALAHATING Filipino na nga si Eugenio “Gabby” Lopez III, hindi pa ito tapat sa pagiging Filipino.

Sa esensya, ito ang punto ni Supreme Court Justice Noel Tijam nang magbigay siya ng kanyang pananaw o obserbasyon sa pahayag ni Lopez sa mga kongresista habang binubusisi ng mga mambabatas ang kanyang pagkakaroon ng dalawang pagkamamamayan sa Kamara de Representantes ilang araw na ang nakalilipas.

Si Tijam ay retiradong mahistrado, ngunit kasapi ng Judicial Bar Council (JBC) bilang kinatawan ng akademya.

Ang JBC ang pumipili ng mga kandidato na maging kasapi ng mataas na korte.

Ang mapagpapasyahang kandidato ng JBC mula sa masusing pag-aaral, pagsisiyasat at panayam ay siyang ipapasa sa pangulo ng bansa upang italaga ng huli kung sinu-sino sa mga aplikante ang magiging kasapi ng Korte Suprema.

‘Motherhood statement’ ang pananaw ni Lopez SA kanyang kalatas, idiniin ni Tijam na: “The statement [of Lopez] that he never lost his Filipino citizenship is a motherhood statement. Before one asserts his right to Filipino citizenship, one must demonstrate allegiance to the country and submit proof that he performed his duties as a Filipino citizen.”

Inamin ni Lopez na siya ay Filipino dahil ang kanyang mga magulang ay parehong Filipino nang ipanganak siya noong 1952.

Ang batayan ng posisyong ito ni Lopez at ng iba pang mga may-ari at opisyal ng ABS-CBN Broadcasting Corporation ay ang 1935 Konstitusyon.

Si Lopez ay ipinanganak noong Agosto 13, 1952 sa Boston, Massachusetts kung saan Konstitusyong 1935 ang umiiral sa Pilipinas sa nasabing panahon.

Ang pagkapanganak ni Lopez sa Estados Unidos ang siyang kongkretong batayan kung bakit siya naging Amerikano.

Batas iyan sa Amerika.

Ang sinasabi ng batas sa Amerika, ang sinomang mamamayan ng ibang bansa ay otomatikong mamamayan din ng Estados Unidos kapag ipinanganak sa Amerika.

67 taong Amerikano at Filipino

Sa loob ng 67 taon ay Amerikano at Filipino si Lopez simula noong Agosto 13, 1952.

Kumbindo si Tijam na mayroong problema si Lopez sa ganyang kaayusan.

“In case of war between two countries a dual citizen is affiliated with, which flag shall he defend? The country of his birth or the country of his parents?” tanong ni Tijam.

Iginiit ng dating mahistrado na ang “citizenship is based on allegiance, not convenience.”

Ayon kay Tijam, ang “principle of jus sanguinis is a legal fiction; citizenship is earned, not inherited.”

Ang pagiging kalahating Filipino at kalahating Amerikano ni Lopez ay namana lamang.

Sinungaling si Lopez?

TINIYAK ni Lopez sa pagdinig ng Joint Committees on Legislative Franchises and Good Government and Public Accountability ng Kamara na hindi niya ipinagkanulo ang pagiging Filipino kahit kailan.

Lumilitaw na napakalaking kasinungalingan ang ginawa ni Lopez sa harapan ng mga kongresista, sapagkat nadiskubre ni Tijam na nanumpa ng katapatan si Lopez sa Estados Unidos ng Amerika.

Naniniwala si Tijam na kinilala at mas ginusto ni Lopez ang Amerika kaysa Pilipinas dahil bumoto ito noong 2016 sa halalan sa Amerika.

Ang pagboto ay batayang karapatan, gawain, tungkulin at obligasyon ng bawat mamamayan sa kanyang bansa.

Sa kabilang banda, ang pagiging botante ay hindi maipagkakailangang kongkretong katibayan din ng pagiging mamamayan ng isang bansa.

Karapatang bumoto sa isang bansa ANG pagboto ay karapatan ng bawat tao.

Hindi ito prebilehiyo ng isang tao o higit pa.

Idiniin ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Gregorio Larrazabal ilang linggo bago ilunsad ang eleksyon nitong 2019 na magkakapantay ang bawat Filipino kung pagboto ang pag-uusapan.

Ipinaliwanag ni Larrazabal na “…no matter our place in the social spectrum, whether the individual is a billionaire or an unemployed person who does not know where his next meal will come from, all of us become equals. Each one of us is just allowed one vote, and we are on the same footing.”

Kaso, marami nang nakalimot sa katotohanang ito, wika ng eksperto sa halalan.

Iginiit din ni Larrazabal na ang pagboto ay “core of a country’s democracy, where each person, by voting, makes the statement that he/she has a stake in the country’s future.”

Ang pananaw ni Larrazabal sa pagboto o eleksyon ay hindi lamang totoo sa Pilipinas, kundi maging sa lahat ng bansa, kabilang na sa Estados Unidos ng Amerika, ang bansang itinuturing na pinakamakapangyarihan sa mundo.

Kinampihan ang Amerika kaysa Pilipinas SA pinagsamang pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability, si Lopez na isang Filipino simula noong Agosto 13, 1952 ay umaming lumahok sa eleksyon sa pagkapangulo ng Amerika noong 2016.

Ang paglahok ni Lopez sa halalan ng ibang bansa ay kongretong katibayan na higit na kinampihan ng “Chairman Emeritus” ng ABS-CBN ang Amerika kaysa Pilipinas, ayon kay Justice Tijam.

Naganap din ang halalan sa Pilipinas noong 2016 kung saan ang alkalde noon ng Davao City na si Rodrigo Duterte ang nanalo.

Natalo si dating Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas II na siyang kandidato ng Liberal Party (LP) sa pagkapangulo.

Si Roxas din ang ‘manok’ ng pamilya Lopez.

Lumabas sa media ang impormasyong si Roxas ang inaasahan noon ni Gabby Lopez na ‘mag-aayos’ sa pagpapalawig ng prangkisa ng panibagong dalawangpu’t limang taon nang walang kahirap-hirap.

Ngunit, nang manalo si Duterte ay napabalitang hilong-talilong ang mga may-ari at namamahala ng ABS-CBN Broadcasting Corporation, lalo na si Lopez, sapagkat ‘naipit’ na ang prangkisa ng higanteng korporasyon.

1952 ipinanganak, ngunit 2000 lang kumilos

NABUNYAG sa Kamara na noong taong 2000 o 48 taon makalipas na ipanganak si Lopez sa Boston, Massachusetts “pormal” at “opisyal” na lumiham ito sa pamahalaan, partikular sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ), na humihingi ng pagkilala bilang Filipino, samantalang 1952 pa siya ipinanganak.

Nabisto rin sa mababang kapulungan na lumipas naman ang 50 taon bago nabigyan ng Philippine Passport si Lopez.

Hindi maganda ang nakikitang dahilan at batayan ni Tijam sa dalawang pangyayaring ito, lalo pa’t parehong mahalaga sa pagiging mamamayan ng Pilipinas ni Lopez ang pinag-uusapan dito.

Kung babalikan at kung sisipatin at pag-aaralang mabuti ang mga ugnayan ng Konstitusyon sa pagiging Filipino ni Lopez, ang 1935 Constitution ay natapos ang bisa nang mapalitan ito ng 1973 Constitution.

‘Di kumilos nang sumapit sa 21 taong gulang

NOONG 1973, 21 taong gulang na si Gabby Lopez, ngunit binalewala niya ang paghingi ng pagkilala mula sa pamahalaan ng kanyang pagiging Filipino.

Ang big boss ng ABS-CBN sa panahong ito ay ang tatay ni Lopez na si Eugenio Lopez Jr.

‘Namatay’ ang Konstitutsyong 1973 nang maging pangulo ng bansa ang noo’y “housewife” na si Corazon Cojuangco Aquino noong Pebrero 1986.

Pinawalang bisa ni Aquino ang Saligang Batas, kaya walang Saligang Batas ang bansa mula Pebrero 26, 1986 hanggang Pebrero 1, 1987.

Nagkaroon lamang ng bagong Saligang Batas makaraang aprubahan ng mamamayang Filipino ang binalangkas na Constitutional Commission (ConCom) noong Pebrero 2, 1987 sa isinagawang plebisito.

Mula noong 1986 hangang 1999 kung saan nasa hustong gulang na si Gabby Lopez ay walang nabalitaan ang mamamayang Filipino na nagpasya at kumilos ang bilyonaryong ito upang kumuha ng pormal at opisyal na pagkilala sa pamahalaan ng kanyang pagiging Filipino.

Idiniin lamang ni Lopez nang dumalo siya sa pagdinig ng dalawang komite sa Kamara na hindi niya kahit kailan inabandona ang kanyang pagiging Filipino.

Dapat 100% Filipino kung may-ari ka ng media firm – Defensor

ANG pangyayaring ito sa buhay ni Lopez mula 1952 hanggang 2000 ang siyang malabo kay Rep. Rodante Marcoleta ng Social Amelioration and Genuine Intervention on Poverty (SAGIP) party-list.

Nang tanungin ni Marcoleta si Lopez tungkol sa milya-milyang haba ng panahon bago pumasok sa isipan nito ang paghingi ng pagkilala ng pamahalaan sa kanyang pagiging Filipino ay upang makakuha ng pasaporte ang diretsong sagot niya sa mambabatas.

Para kay Rep. Michael Defensor ng ANAKALUSUGAN (Alagaan Natin Ating Kalusugan) party-list, estratehikong isyu ang pagiging Filipino at Amerikano ni Lopez bilang isa sa mga may-ari at dating big boss ng ABS-CBN, sapagkat nakadikit ito sa isa sa mga probisyon ng Saligang Batas.

“The issue is, whether he, as a Filipino-American, is allowed to own shares in ABS-CBN, whether his chairmanship and stewardship of the network for many years was consistent with the provision on 100-percent Filipino ownership,” pahayag ni Defensor.

“Consistent with the national interest and largely for national security reasons, the Constitution requires 100- percent Filipino ownership of media. The Charter also bans dual allegiance by any Filipino,” paalala ni Defensor.

Idiniin din ng mambabatas na nakatatakot na mangyari sa bansa na ang may-ari ng kumpanya ng telebisyon at radyo ay dalawang bansa ang kinikilala at tinitindigan.

Inihalimbawa niya ang kaso ng pagiging kalahating Filipino at kalahating Intsik sa ganitong pagsasalarawan: “Imagine a Filipino who is also a Chinese citizen and who owns or runs a television station or a newspaper at this time when the Philippines and China are engaged in a tug-of-war over the West Philippine Sea. Which side would he take? Which country’s interest would he protect?”

“For me, wholly-owned means completely, entirely owned by Filipinos. This means that dual citizens cannot be media owners. In fact, if you stretch the interpretation of that provision, the ban would apply to owning even a single share in a media company,” tirada ng 50 taong gulang na mambabatas.(NELSON S. BADILLA)

Related posts

Leave a Comment