Lorenzana sa pagkamatay ng anak ni Cullamat KASALANAN NI JOMA SISON

0

ITO ang naging pahayag kahapon ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines kaugnay sa pagkasawi ng anak ni Bayan Muna Congresswoman Eufemia Campos Cullamat sa sagupaan ng militar at grupo ng New People’s Army sa Surigao del Sur kamakalawa.

Isinisisi rin ng militar ang pagkamatay ng 22-anyos na si Jevilyn Cullamat sa hanay ng CPP-NPA sa pangunguna ni Jose Maria Sison na sa tingin nila ay walang pakialam sa mga namamatay na estudyante at dating estudyante na sumasama sa NPA.

“Ang tingin ko e parang they do not care if these people dies for as long they can pursue their so called armed struggle,”ani Defesne Secretary Delfin Lorenzana.

“Ako ay nakikiramay sa pamilya ni Congresswoman Cullamat sa pagkamatay ng kanyang anak ano, kaya nga siguro, ako’y nananawagan sa grupo ng CPP-NPA na itigil na natin itong himagsikan na to para matigil na rin yung patayan,” ani Lorenzana.

“Dahil kung patuloy sila sa kanilang tinatawag na sandatahang himagsikan or armed struggle ay walang katapusan itong kamatayan ng mga kabataan lalong-lalo na yung mga nagogoyo nila na sumali sa samahan ng NPA kaya ako’y nakikiusap, nananawagan na itigil na natin ito at tayo’y magkaisa para sa ating bayan,” panawagan pa ng kalihim.

“This senseless killing of and by fellow Filipinos—espoused and propagated by CTG leaders like Jose Maria Sison living luxuriously in some foreign land— should come to an end,” ito naman ang pahayag ng Armed Forces of the Philippines.

Ayon kay Marine Major General Edgard Arevalo, commander, AFP Education, Training and Doctrine Command and AFP Spokesperson, “ipinagdarasal na lamang namin ang maraming buhay ng mga kabataan na sinayang dahil sa kasinungalingan at panlilinlang ni Joma Sison.”

Kaugnay nito, nagpahatid ng pakikiramay ang AFP kay Cullamat at sa pamilya nito sa pagkawala ng kanilang anak na si Jevilyn na nagsisilbi umanong medical officer ng CPP-NPA.

Napatay si Jevilyn nang makasagupa ng tropa ng Philippine Army 3rd Special Forces “Arrowhead” Battalion (3SFBn) ang pangkat ng NPA sa Barangay San Isidro, bayan ng Marihatag, Surigao del Sur.

 

MAKABAYAN
BLOC, TAKSIL – AÑO

Samantala, kataksilan sa tiwala ng mamamayan ang tahasang pagtanggi ng mga kongresistang kabilang sa Makabayan Bloc na batikusin at kondenahin ang pagpatay ng New People’s Army (NPA) sa 40,000 sundalo, pulis at sibilyan.

Maliban diyan, ininsulto ng mga kaliwang kongresista ang 40,000 mamamayang Pillipino na pinatay ng NPA mula noong 1969, ratsada ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

Ang NPA na armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP) ay itinatag noong Marso 29, 1969.

Ang unang pinuno nito ay si Bernabe Buscayno, alyas “Kumander Dante”, na matagal nang ‘nagretiro’ sa armadong pakikibaka.

Ani Año: “If you cannot even condemn the perpetrators of these horrendous crimes against the people in your capacity as elected public officials, there is definitely something wrong. The refusal of the Makabayan Bloc to condemn and distance itself from the CPP-NPA-NDFP and their crimes is clear and indisputable betrayal of public trust”.

Ang birada ng kalihim ng DILG ay reaksyon sa pagmamatigas ng Makabayan bloc na batikusin at kondinahin ang CPP-NPA-NDFP.

Ayaw ring dumistansya ng mga kongresistang kaliwa sa pakikibaka ng nasabing mga pangkat.

Naninindigan ang mga kongresista ng Makabayan bloc na hindi sila kaanib sa CPP-NPA-NDFP.

 

ITINULAK SA NPA

Ang estado mismo ang nagtulak sa anak ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na si Jevilyn, 23, na sumapi sa armadong pakikibaka ng New People’s Army (NPA).

Ito naman ang pahayag ng Makabayan bloc sa Kamara matapos hindi anila mabigyan ng katarungan ang pagpaslang ng paramilitary sa kanilang mga lider noong Setyembre 1, 2015.

“Ang desisyon niyang lumahok sa armadong pakikibaka ay hindi simpleng bagay at bunga na rin ng pang-aabusong dinanas naming mga Lumad at ang matinding kahirapan na nasaksihan niya,” ani Cullamat.

Nakita aniya ng kanyang anak kung paano pinaslang ng mga paramilitary ang kanilang mga lider na sina Dionel Campos, Datu Bello Sinzo, at Executive Director ng ALCADEV na si Emerito Samarca.

Hindi aniya binigyan ng hustisya ng estado ang pagpaslang sa mga nabanggit na lider ng mga Katutubo sa Mindanao bagkus ay ininsulto umano ang mga ito dahil ang mga salarin ay malaya pa rinng nakagagala sa Surigao.

Wala namang ideya si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kung kailan sumama si Jevilyn sa armadong pakikibaka subalit naniniwala ito na ang nasaksihang krimen ng paramilitary sa kanilang grupo ang posibleng nagtulak sa kanya na sumama sa NPA.

 

HINDI TROPHY

Kinondena rin nina Cullamat at Zarate ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa umano’y pambababoy ng mga ito sa bangkay ni Jevilyn na mistulang ginawang trophy ng mga sundalo.

“Hindi siya bagay, hindi siya isang tropeo na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar. Hindi niyo na ginalang ang patay, binabastos pa ninyo ang nagluluksa naming pamilya,” ani Cullamat.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos magpa-picture umano ang mga sundalo na nakapatay kay Jevilyn sa bangkay nito kasama ang mga armas na nakumpiska matapos ang bakbakan sa Marihatag, Surigao del Sur.

“The military blatantly violated International Humanitarian Law (IHL) by desecrating the remains of Jevilyn, circulating photos of her obviously artificially posed body as though she were still carrying a rifle, and with troops displaying her corpse alongside captured paraphernalia,” ayon naman kay Zarate sa virtual press conference kahapon.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas na burahin ang mga larawan na kumakalat sa social media at maging sa mga government website.

Naniniwala si Zarate na hindi matatapos ang armadong pakikibaka sa Pilipinas hangga’t hindi inuugat ng gobyerno ang dahilan kung bakit maraming Pilipino ang sumama sa NPA. (JESSE KABEL/NELSON S. BADILLA/BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment