Lumala ngayong may pandemya CHILD EXPLOITATION PAIIMBESTIGAHAN NI CONG. NOGRALES

NAGHAIN ng resolusyon si Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles para imbestigahan ang paglala ng child online sexual exploitation sa panahon ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa kanyang House Resolutuon (HR) 999, nagpahayag ng pagkabahala si Nograles matapos lumabas sa record ng Department of Justice – Office of Cybercrime (DOJ-OOC) na umabot sa 279,166 ang kaso ng online sexual exploitation sa mga kabataan mula March 1 hanggang May 24,2020.

Tumaas ito ng 265.63% sa parehong panahon noong nakaraang taon kung saan 76,561 kaso lamang ang naitala ng DOJ-OOC base sa datos mula sa US-based na National Center for Missing and Exploited Children.

“Lubos po tayong nababahala sa mga datos na ito. Kawawa po ang mga bata. This is an urgent issue that we need to address,” ayon sa Harvard trained lawyer kaya nagpatawag ito ng imbestigasyon.

Isinisi ng mambabatas sa mga internet provider ang paglaganap ng mga online exploitation sa kabataan dahil sa kawalan ng mga ito ng abilidad na harangin ang distribusyon ng mga child pornography material.

“Naging barrier din ang ECQ sa pag-detect ng mga kaso ng child sexual exploitation dahil nakakulong ang mga biktima sa kanilang mga bahay at hindi nila nakikita ang mga maaaring mapagsumbungan kagaya ng mga guro,” ayon sa mambabatas.

Habang hindi nagkakaroon ng imbestigasyon upang makagawa ng batas na magpapataw nang mas mataas na parusa sa mga nasa likod ng online sexual expoitation na ito sa kabataan ay nanawagan si Nograles sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na gawin ang lahat para masugpo ang online “sexual trafficking of children”.

“Umaasa akong pagtutuunan ng agarang atensyon ang isyu na ito hindi lang ng Kongreso, kundi ng buong pamahalaan. Nakapanlulumo ang ganitong mga pangyayari. We must protect our children,” ayon pa kay Nograles. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment