Lumang litrato kasama si Jaybee Sebastian muling lumutang ‘GIGIL’ NI GORDON KAY BANTAG PALAISIPAN

NAPAKALAKING palaisipan ngayon ang panawagan ni Senador Richard “Dick” Gordon kay Gerarld Bantag na umalis ito sa Bureau of Corrections (BuCor), samantalang tutukuyin pa lamang sa
imbestigasyon ng Senado at National Bureau of Investigation (NBI) kung totoong namatay sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) si Jaybee Sebastian at iba pang bilanggo sa National Bilibid
Prison (NBP) o hindi.

Matapos ihayag ni Gordon sa media nitong nakaraang linggo na kailangang ilabas ni Bantag ang mga ebidensiyang namatay sa COVID-19 si Sebastian at walo pang bilanggo sa NBP na pinaniniwalang mga sangkot sa drug trafficking, agad idinugtong ng senador na kailangang bitawan ni Bantag ang pagiging BuCor director general.

Hindi naglabas ng kahit isang salita si Gordon upang mabigyan ng batayan ang kagustuhan niyang agad na mawala sa BuCor si Bantag.

Si Sebastian ang pinakasikat sa siyam na bilanggo sa NBP at nakarating sa media na patuloy ang pagkakasangkot nito sa drug trafficking.

Isa si Sebastian sa mga “pangunahing testigo” na magdidiin sa pagkakasangkot ni Senador Leila de Lima sa drug operation sa NBP noong kalihim ito ng Department of Justice (DOJ) sa nakalipas na administrasyon.

Isa sa mga nilalaman ng salaysay ni Sebastian ay “drug money” umano ang ginamit bilang pondo sa pangangampanya ni De Lima sa pagkasenador noong halalang 2016.

Ilang ulit na itinaggi ni De Lima ang mga pahayag ni Sebastian.

Nang hilingin ni Gordon kay Bantag na mag-leave ito mula sa BuCor, biglang naging mainit na paksa ang posibleng koneksiyon ng senador kay Sebastian.

Dito na muling lumitaw sa social media ang larawan ng senador at ni Sebastian.

Malinaw sa litrato ang mahigpit na kamayan nina Gordon at Sebastian at nakangiti rin ang mga taong nakapaligid sa kanila.

Sa panayam ng GMA 7 noong isang linggo, galit na galit si Bantag sa mga senador.

Hindi nito matanggap ang mga batikos at paninisi ng mga senador sa mga opisyal at kawani ng BuCor, sa pangunguna niya, tungkol sa pagkamatay ng mga bilanggong katulad ni Sebastian.

Setyembre 7 ng nakalipas na taon, itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Bantag bilang hepe ng BuCor.

Sabi noon ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ay kailangang “killer” ang ilagay ni Duterte sa BuCor.

Naging mainit na balita si Bantag noong Agosto 2016 dahil sampung bilanggo sa Parañaque City Jail ang mga namatay nang masabugan ang ito ng granada. (NELSON S. BADILLA)

78

Related posts

Leave a Comment