LUNG CENTER, ASIAN HOSPITAL APAW NA RIN ANG COVID PATIENTS

PATULOY na nadaragdagan ang mga ospital na nagdedeklara ng full bed capacity sa kalakhang Maynila.

Nitong Sabado, inanunsyo ng Lung Center of the Philippines na halos punuan na ang kanilang bed capacity para sa mga pasyenteng may COVID-19.

Sa anunsyo ni Lung Center of the Philippines Spokesperson Dr. Norberto Francisco, halos 100% na sa kanilang mga kama na nakalaan sa mga delikado at malubhang kaso ng COVID-19 ang okupado.

Ayon kay Francisco, ibinaba na nila sa 169 ang kanilang bed capacity at 75% nito ay inilaan sa COVID-19 patients.

Dagdag pa nito, 50 sa 51 na kama sa ICU ang okupado kaya isa na lamang ang bakante.

Ayon pa kay Francisco, napuno agad ang kanilang operational beds dahil dagsa ang nakukuha nilang mga tawag at referrals mula sa ibang ospital.

Nito lamang nakalipas na Huwebes, nag-anunsyo rin ang Asian Hospital and Medical Center na umabot na sa full capacity ang kanilang emergency room dahil sa dami ng pumapasok na pasyente.

“As much as we would like to accommodate all patients, our quality of care may be compromised.

Thus, we are advising our patients to seek urgent care in other institutions in the meantime,” nakasaad sa pahayag ng pamunuan ng naturang pagamutan.

Nauna nang nag-abiso ang tatlong malalaking ospital sa Metro Manila na wala na silang bakanteng kama para sa mga pasyente ng COVID-19 kaya pinapayuhan ang mga nais magpagamot na
magtungo sa ibang health facilities.

Payo ng St. Luke’s Medical Center sa Quezon City at Bonifacio Global City, Taguig na magtungo na lamang sa mga alternatibong pagamutan ang mga pinaghihinalaang tinamaan ng COVID-19 dahil hindi na nila maa-accomodate ang mga ito.

Gayundin ang Philippine General Hospital na nagsabing hindi na sila maaaring tumanggap ng mga pasyenteng kritikal ang kalagayan dahil sa kakulangan ng pasilidad para sa mga may COVID.
(DAVE MEDINA)

82

Related posts

Leave a Comment