MAHIHIRAP BIGYAN DIN NG HUSTISYA – REP. NOGRALES

NAPAPANAHON nang repasuhin ang Free Legal Assistance Law.

Ito ang iginiit kahapon ni Rizal 2nd Ditrict Rep. Fidel Nograles.

“Isa sa mga pangunahing karapatan na nakasaad sa ating 1987 Konstitusyon ang “libreng akses sa hustisya para sa mahihirap.” Mariing ipinahayag sa ating Saligang Batas: “hindi dapat tanggihan ang sinoman dahil sa kahirapan upang magkaroon ng libreng akses sa mga korte at quasi-judicial bodies at mabigyan ng sapat na legal na tulong,” pahayag ni Nograles.

Paliwanag ng mambabatas, ang Universal Declaration of Human Rights at International Covenant on Civil and Political Rights, kung saan kabilang ang Pilipinas sa mga lumagda, ay parehong kinilala ang pagkakaloob ng akses sa katarungan para sa mahihirap bilang isa sa mga pangunahin na karapatang pantao.
Lumalabas kasi na sa ilalim ng Republic Act No. 9999 or “An Act Providing A Mechanism for Free Legal Assistance and for Other Purposes” o ang “Free Legal Assistance Act of 2010,” malinaw na nakasaad dito na ginagarantiyahan ang paglalaan ng free legal assistance sa mahihirap.

Layon nitong tiyakin na lahat ng mga indibidwal na walang kakayahang kumuha ng abogado ay mabibigyan ng competent at independent counsel na ayon sa kanyang sariling pagpipilian, pangangalagaan at ipagtatanggol ng abogado ang kanyang kliyente hanggang sa huli.

“Isang dekada nang naaprubahan ang Free Legal Assistance Act of 2010, o habang tayo’y nasa ikalawang taon pa lamang sa Law school. Sampung taon na ang nakalipas kaya napapanahon at pagkakataon na natin ito upang masuri ang epekto nito sa mga pagsusumikap ng estado para sa paghahatid ng legal na tulong,” pahayag ni Nograles.

“Sa sampung taong pagkakalikha ng nasabing batas, marami pa tayong hindi nakakamit. Sa kabila ng pagkakaroon natin ng ganitong batas simula noong 2010, ang tunay na layunin o intensyon nito ay hindi pa kailanman natupad. Marahil, ito ay isa sa mga dahilan – kung bakit marami sa mga kasamahan natin sa Mababang Kapulungan, maging sa mga nakalipas na Kongreso, ay nakaligtaan ng mga itong magmungkahi ng mga hakbang para sa pagpapabuti ng free legal aid system ng bansa – ang pangunahing hangarin at layunin ng naturang batas,” dagdag ni Nograles.

Sinabi pa ng mambabatas na ang hangarin niyang repasuhin ang Free Legal Assistance Act ang dahilan kaya isinusulong niya ang agarang pagpasa ng mga panukala patungkol sa Public Attorney’s Office (PAO) Modernization at Legal Aid Program Act of 2019.

“Hinihimok natin ang ating mga kapwa mambabatas na bigyang prayoridad ang pagpasa sa pagpapalawig ng PAO at ang pagtatag ng mga legal aid clinic sa mga pribado at pampublikong paaralan para sa abogasya. Ang ating mga panukala ay nakaangkla sa ating Konstitusyon na gawing mas accessible sa lahat ang katarungang panlipunan at mas mabigyan ng akses sa hustisya ang ating mahihirap na kababayan. Nais nating maiayos ang Legal Aid System sa bansa upang matulungan din ang law students para lalo pang mahasa ang mga ito sa propesyon na kanilang patutunguhan,” pagtatapos ni Nograles. KIKO CUETO

107

Related posts

Leave a Comment