Mahihirap sa Maynila at P’que inuna DSWD SINIMULAN NANG MAG-RELEASE NG CASH AID

SINIMULAN nang mamahagi ang Department of Social Welfare and Development ng tulong pinansiyal sa mahihirap na Filipino sa lungsod ng Maynila at Parañaque upang tulungan ang mga itong ibangon ang kanilang buhay mula sa coronavirus pandemic.

Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang mga pamilya sa Maynila at Parañaque na karapat-dapat makatanggap ng subsidy ay pupuntahan ng kinatawan ng pamahalaan.

Ang pamamahagi naman ng cash aid sa ibang bahagi ng bansa ay susunod na sa darating na mga araw.

“We have been informed by the DSWD that the subsidies will be distributed starting today in Manila and Parañaque, and we expect other jurisdictions to be distributing these to their residents in the next few days,” ang pahayag ni CabSec Nograles.

Ang inisyal na cash grant ay ibinigay kahapon sa Tondo, Maynila at Vitalez-District 1 sa Parañaque.

Ang subsidy na mula P5,000 hanggang P8,000, ay ibibigay ng cash bilang bahagi ng P200-billion social amelioration program ng pamahalaan.

Kahapon din ay sinimulang ipamahagi ang cash aid para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng gobyerno.

Hinikayat naman ni CabSec Nograles ang lahat ng benepisaryo na hintayin lamang ang anunsyo ng kanilang local government units sa distribusyon ng cash assistance. CHRISTIAN DALE

115

Related posts

Leave a Comment