Malapit kina Galvez, Dizon sapat ang suplay? MAY PALAKASAN SA BAKUNA – SOLON

0

INAKUSAHAN ng isang mambabatas na nagkakaroon ng palakasan sa distribusyon ng COVID-19 vaccines dahil ang malalapit umano kina vaccine czar Carlito Galvez at testing czar Vince Dizon ang nakakakuha ng sapat na bakuna.

Sa press conference kahapon ni Iloilo Rep. Janette Garin, ito umano ang dahilan kaya maraming lugar sa bansa ang hindi nakakakuha ng sapat na bakuna taliwas sa equal distribution na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Yes. Nagkakaroon ng palakasan. Eh kasi tatawag ka, umiikot at papasyal sa iyo si Secretary Dizon, papasyal sa ‘yo si General Galvez magkakaroon ka ng bakuna at kung hindi mapuntahan ang lugar mo goodbye ka na lang, maghintay ka ng bakuna,” ani Garin.

Inamin ni Garin na isa siya sa tumawag kay Galvez para magbigay ng sapat na bakuna sa kanilang distrito sa Iloilo dahil parami ng parami ang kaso ng COVID-19 subalit sinagot umano ito ng heneral ng “maghintay ka”.

Hindi aniya siya tutol na buhusan ng bakuna ang mga lugar na mas marami ang kaso ng COVID-19 subalit kailangang bigyan din ng sapat na supply ang mga lugar na walang gaanong kaso upang maiwasan magkaroon ng surge.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa bakunado ang lahat ng health care workers at katiting pa lamang umano sa mga senior citizen ang protektado sa COVID-19.

Base aniya sa datos mula mismo sa IATF, 32.3% sa mahigit 1.7 million health care workers ang hindi pa fully vaccinated habang 6.8% pa lamang sa 9.8 million senior citizens ang nakatanggap na ng dalawang bakuna.

Mula Pebrero 28 nang magsimulang dumating ang COVID-19 vaccines, sinabi ni Garin na umaabot na sa halos 18 million doses ang natanggap ng Pilipinas kasama na ang mga donasyon mula sa COVAX facility ng WHO.

Gayunpaman, sa report aniya ng IATF, 10,065,414 pa lamang ang naibabakuna kabilang na ang 7,534,128 na nakakuha ng first dose at 2,527, 286 ang naka-second dose na.

Dahil dito, 8 milyon aniya ang hindi nagagamit na bakuna na posibleng inimbak lang sa mga refrigerator dahil hindi alam ng mga vaccinator kung magkakaroon ng tuloy-tuloy na supply.

Kasabay nito, kinastigo rin ng mambabatas ang IATF lalo na si Galvez dahil tila wala umanong ginagawa ang mga ito para kalampagin ang mga drug manufacturer na ideliber na ang biniling bakuna ng local government units (LGUs) at private sector. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment