Masamang imahe ng NAIA burahin na – solon AIRPORT SA PINOY HINDI KAY NINOY

0

IPINAGTANGGOL ng isa sa mga mambabatas ang kanilang panukalang palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil kailangang pangalan ng sambayanang Filipino ang makilala sa main gateway ng Pilipinas bukod pa sa dapat nang mabura ang masamang imahe nito.

Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap, bagama’t hindi umano nila isinasantabi ang kontribusyon ni dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino III sa bansa, ang Sambayanang Filipino aniya dapat ang makilala sa buong mundo at hindi ang pangalan ng dating senador lamang.

“We just deem it more appropriate for our international airport to bear the name of the country. Instead of it reflecting just one hero, we want it to reflect our everyday heroes – the Filipino people,” ani Yap.

Ginawa ni Yap ang pahayag dahil sa patuloy na batikos sa kanilang House (HB) 7031 na layong palitan ang Ninoy Aquino International Airport ng “Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas” o PPP.

Kasama ni Yap sina presidential son at Davao City Rep. Paolo Duterte at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa main-author ng nasabing panukala na amyendahan ang Republic Act (RA) 6639 na nagpangalan sa dating Manila International Airport (MIA) kay Aquino.

“NAIA is the international gateway of the Philippines being the biggest and largest international airport in the country. As such, there is a need to identify the same belonging to the Philippines,” ayon sa paliwanag ng tatlong mambabatas sa kanilang panukalang batas.

“Gusto natin na paglapag pa lang ng eroplano dito, pangalan na agad ng bansa natin ang bubungad sa ating mga balikbayan pati sa mga turista mula sa ibang bansa. Ating iparamdam sa kanila na sila ay nakauwi na sa kanilang tahanan,” ani Yap.

Hindi nababanggit ang pangalan ng Pilipinas kapag lumalapag ang mga eroplano mula sa ibang bansa kundi ang pangalan ni Ninoy kaya dapat na aniyang baguhin ito para makilala nang husto ang Pilipinas.

Bukod dito, dapat mabura ang masamang imahe ng airport na tinukoy noon bilang isa sa “worst airport” sa mundo at nakabangon lamang noong 2018 nang maisama sa 10th most improved airport base sa British based consultancy Skytrax 2018 survey.

“Along with this recognition, it is high time to rename NAIA so we could finally let go of its negative image. With this name change, we are presenting a positive and objective image to our international airport,” ayon kay Yap.

AYAW MAKIALAM

Samantala, dumistansya ang Malakanyang at ipinaubaya na sa Kongreso ang hirit ng ilang mambabatas na baguhin o palitan ang pangalan ng NAIA.

Umulan kasi ng pagtutol sa bagay na ito dahil hindi umano napapanahon lalo pa’t dumaranas ang bansa ng pandemya kung saan maraming nagsarang establisimyento at nawalan ng trabaho.

Bukod pa sa bagsak ang ekonomiya at walang makapagsabi kung aabutin ng ilang taon bago makabangon.

“Iniiwan na po namin yan sa Kongreso. Kailangan po ng batas para diyan,” ani Presidential spokesperson Harry Roque.

Kabilang sa mga tutol sa panukala ang ilang obispo sa bansa lalo na’t ito ay itinaon sa panahon na ang bansa ay nahaharap sa public health crisis dahil sa COVID-19.

Naniniwala kasi ang mga ito na mas marami pang mahalagang isyu na dapat tugunan ngayon ang gobyerno.

Ayon kay Apostolic Administrator of the Archdiocese of Manila Bishop Broderick Pabillo, hindi dapat magpa-distract ang pamahalaan sa ibang usapin at tutukan ang mga tao na walang trabaho, nagugutom at may sakit, na sinegundahan naman ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment