May kaso kaya ginagamit ang Kongreso – solon BELGICA INUPAKAN SA ‘COVER-UP’

0

BINAKBAKAN ni House committee on appropriation chairman Rep. Eric Yap si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica dahil sa mistulang paggamit nito sa Kongreso para hindi mapag-usapan ang kanyang kasong graft.

Para sa mambabatas, pambabastos nito sa institusyon ng Kongreso.

Sa virtual press conference, hindi nagustuhan ni Yap ang alegasyon ni Belgica na may mga congressman na sangkot sa katiwalian sa Department of Public Works and Highways (DPWH) subalit hindi ito nagbanggit ng pangalan.

“Sana nilabas niya ang pangalan ng mga involved. Unfair ang ginawa niya,” pahayag ni Yap dahil hanggang ngayon ay walang binabanggit na pangalan si Belgica kung sino-sinong kongresista ang isinasangkot nito sa katiwalian.

Ang Kamara ay may 302 miyembro kaya lahat ng mga ito ay pagdududahan hangga’t hindi pinapangalanan ni Belgica ang mga iniimbestigahan nito na sangkot sa katiwalian sa DPWH.

“Kung magsalita ako na may miyembro ng media na hindi maganda ang ginagawa pero hindi pinangalanan, I will be unfair sa institusyon ng media. Ang institution ng Congress ang binastos niya eh without proper evidence. Hindi po nakakatuwa iyon,” ani Yap.

Kasabay nito, pinaalalahanan ni Yap si Belgica na huwag gamitin ang Kongreso para hindi mapag-usapan ang kasong isinampa sa kanya ng ilang empleyado ng Duty Free Philippines Corporation.

“Dahil ba ito sa Duty Free Philippines? Cover-up ba ito? Kung cover-up ito, do not use the institution of Congress,” ayon pa sa kinatawan ng ACT-CIS party-list sa Kamara.

Ang tinutukoy ng mambabatas ay ang kasong graft na isinampa kay Belgica ng ilang empleyado ng DFPC na nagsumbong sa PACC ng smuggling activities sa DFPC at kalaunan ay namigay umano ito ng relief goods na mula sa nasabing kumpanya.

“Marami pong matinong miyembro ng Kongreso, meron din 4,000 na empleyado. Hindi namin mapapayagan na gamitin ang Kongreso for a cover-up,” ayon pa kay Yap. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment