MENTAL HEALTH GAWING PRAYORIDAD – ROBES

0

UMAPELA ang isang mambabatas sa gobyerno na bigyan ng prayoridad ang isyu sa mental health ng mga Filipino sa gitna ng tumataas na kaso ng depresyon at pagpapakamatay dahil sa COVID-19 pandemic.

Ginawa ni San Jose Del Monte City Rep. Florida Robes ang panawagan sa online forum ng Philippine Press Institute (PPI) na may temang “Nakakaloka, A Silent Pandemic: The Impact of Covid-19 on mental health” kung saan siya ang guest speaker.

Sinabi ni Robes na marami siyang natanggap na ulat sa isyu ng kalusugang pangkaisipan sanhi ng kawalan ng katiyakan na dulot ng pandemya. Binigyang diin niya na lumolobo ang bilang ng tinatamaan ng sakit sa pag-iisip sa nakalipas na dekada na lalo pang pinalala ng pandemya.

Sinabi ng mambabatas na bagama’t tumataas ang tinatawag na “mental illness” sa nakaraang isang dekada, lalo pa umano itong lumala dahil sa pandemya na nagsimula noong 2020.

Dahil dito, kailangang pagtuunan aniya ng gobyerno ang nasabing problema at itaas ang pondo para tugunan ito.

Sa ngayon ay 5% lamang umano sa buong budget ng Department of Health (DOH) ang nakalaan sa mental health na hindi sapat lalo na’t tumataas na aniya ang kaso ng depresyon sa hanay ng mga Filipino at nagiging dahilan ng pagpapakamatay ng mga hindi kaya ang problemang kinakaharap.

Umapela rin ang mambabatas sa liderato ng Kamara na ipasa na ang mga panukalang batas na tutugon sa problema ng mental health ng mga Filipino dahil kailangan ang mga ito ngayon.

Tinukoy nito ang House Bill (HB) 10284 o An Act Strengthening the Mental Health Services of State Universities and Colleges at HB 10327 o An Act Strengthening the Promotion and Delivery of Mental Health Services.

Layon ng nasabing mga panukala na maparami pa ang mental health professionals at magkaroon ng mass hiring upang mas marami ang tutugon sa problema ng pag-iisip ng mga Filipino.

“This is an issue that is close to my heart because I know many people who are experiencing depression, anxiety, helplessness at this very difficult time. I myself have experienced those feelings when COVID-19 came close to our home,” ayon pa kay Robes. (BERNARD TAGUINOD)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment