Mga isyu isa-isang sinagot MEDIAMEN HINARAP NI BBM

DIRETSAHANG sinagot ni Presidential aspirant Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ang iba’t ibang katanungan ng mga miyembro ng media kaugnay ng kanyang mga plano sakaling mahalal na pangulo sa Mayo.

Sa pagharap sa ALC Media Group sa pangunguna ni ALC Chairman D. Edgard Cabangon sa Makati City nitong Lunes ng umaga, binigyang-diin ng pambato ng Partido Federal ng Pilipinas ang pagpabor sa No Vaccination, No Ride policy ng DOTr at paglilimita sa galaw ng mga hindi bakunado kontra COVID-19 upang mapag-ingatan ang mas nakararaming Pilipino at mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa isyu ng enerhiya, binigyang diin ni Marcos na kailangang pag-aralang maigi ang planong buhayin ang Bataan Nuclear powerplant subalit dapat ito’y nakasalig sa agham o siyensiya upang matugunan ang malalang problema ng bansa sa kuryente.

Pagdating naman sa usapin ng death penalty, bukas aniya siya sa idea subalit dapat itong maging huling baraha laban sa mga kriminal na ayaw magbago at naniniwala rin siyang hindi ito ang solusyon upang masawata ang krimen.

Kasama rin sa tututukan ng kanyang administrasyon sakaling palarin ang tambalan nila ni Mayor Sara Duterte, ang kapakanan ng overseas Filipino workers at lahat ng manggagawang Pilipino na mabigyan sila ng sapat na benepisyo tulad ng pabahay. Plano rin niyang buhayin ang BLISS o Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services na isinakatuparan noon ng kanyang amang si dating pangulong Ferdinand Marcos.

Binigyang diin din niya ang pangangailangan na i-overhaul ang sektor ng agrikultura upang makasabay sa epekto ng global warming kaya’t mainam aniyang tumutok sa pagpapayaman sa Mariculture o Marine Agriculture na siyang sinasabing bagong pag-asa sa sektor.

Sa usapin naman ng Foreign Policy, sinabi ni Marcos na dapat manatili ang Bilateral relations sa pagitan ng Pilipinas, Amerika at China subalit kailangang mas manaig ang interes ng bansa.

Related posts

Leave a Comment