MULTA SA BUWIS AWAT MUNA – NOGRALES

SA gitna ng kasalukuyang krisis na kinakaharap ng bansa dulot ng COVID-19, itinutulak ni Rizal 2nd district Rep. Fidel Nograles na huwag nang patawan ng multa ang mga mahuhuling maghain ng kanilang income tax returns.

Ayon sa mambabatas, hindi lingid sa kaalaman ng lahat ang mahirap na sitwasyon sa kasalukuyan para makapagtransaksyon kaya nagkaisa sila ng kapwa mambabatas na si Albay Rep. Jose Clemente Sarte Salceda, na ipanukala ang nasabing hakbang at ang pag-aalis ng tax filing requirements sa mga maghahain ng ITR.

Sinabi pa ni Nograles, na siya ring House Assistant Majority Leader, na “ang mga residente sa Metro Manila ay dapat mabigyan ng hindi bababa sa 15 araw na palugit upang makumpleto ang ITR requirements” habang si Salceda ay hinimok ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magbigay ng administrative remedies para sa mga magbabayad ng buwis.

Ani Salceda, chairman ng House committee on ways and means, inirerekomenda ng kanyang komite “ang pagpapadali ng mga kinakailangan sa paghahain ng ITR kaugnay sa nakatakdang deadline nito sa Abril 15″.

“Ito ay akma upang palawigin ang pagbabayad ng buwis. Kahit na ang Abril 15 deadline ay nakasulat sa batas, ang commissioner ng Internal Revenue ay maaaring gumawa ng exceptions sa mga karapat-dapat na kaso. Nakapaloob yan sa Tax Code.

Nauunawaan ko ang kalihim ng Pananalapi sa pagpipilit na maipatupad ito ngunit mayroon tayong mga pagpipilian,” paliwanag ni Salceda.

“Pwede nating palawigin ang deadline, o maaari nating pansamantalang ipagpaliban ang consequences ng deadline, gaya ng multa at surcharges. May katuturan upang gawin ang alinman sa mga ito,” ayon pa sa mambabatas.

Sa pagsusulong para sa ITR filing deadline, sinabi ni Nograles na kahit ang Supreme Court ay pinalawig ang filing of pleadings tungo sa karagdagang 30 araw mula sa orihinal na due date of filing dahil sa pagsuspinde sa trabaho sa hudikatura.

Ayon naman kay Salceda, ang electronic filing at payment system ng BIR ay malaking tulong upang maiwasan ang face-to-face interactions.

“Ang Large Taxpayer Service ay obligado nang sumunod sa electronic filing.

Yan ay nasa 30 to 40 thousand companies. Ang mga account na ‘yan ay nakapag-aambag ng 68 percent sa buwis na nakokolekta ng BIR. Dapat nating tiyakin na ang karanasan ng gumagamit ay madali, upang ang sinomang indibidwal at maliliit na taxpayer ay maaaring mag-navigate sa system,” saad ng mambabatas mula sa Bicol.

Ginagawa na aniya nila ito sa pamamagitan ng pagpapabilis sa legislative side ng digital transformation ng BIR.

“Malinaw na ito ay makatutulong upang mapalawig ang deadline at mapalakas ang mga electronic channel. Ako ay nakikipag-ugnayan na sa DOF at BIR upang makita kung ano pa ang options. Mayroon tayong option na ito ay palawigin dahil sa kasalukuyang nangyayari o sa magiging kahihinatnan. Gumagana ang alinmang paraan,” pahayag ni Salceda.

Isinusulong ni Salceda ang pagpapalawig ng tax deadline bilang bahagi ng P199-billion package of measures na hinahanap ng pamahalaan upang mapalakas ang ekonomiya at para sa posibleng ayuda sa mga tatamaan ng COVID-19. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

Related posts

Leave a Comment