Mungkahi ng experts laban sa Delta variant CITY, PROVINCE LOCKDOWN IKASA

0

IMINUNGKAHI ng isang eksperto na dapat ituring na kaso ng Delta variant ang bawat maitatalang kaso ng COVID-19 kaya kailangan ang paghihigpit.

Ito’y sa harap ng napatunayan na presensiya ng pinangangambahang Delta variant sa bansa.

Ang panukala ay ginawa ni Infectious Disease expert Dra. Anna Lisa Ong-Lim sa special IATF meeting na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Dra. Lim, nais lang nilang makasiguro na matutugunan nang tama ang bawat naitatalang kaso ng Covid, Delta man ito o hindi.

Mas mabuti, ani Lim na huwag nang makauna o makaporma pa ang Delta kaya kailangan one step ahead na ang pamahalaan.

Bukod sa rekomendasyong pagpapatupad ng mas mahigpit na border control ngayong naririto na ang Delta variant, iminungkahi rin ng eksperto ang mas mahigpit na implementasyon ng mga LGU ng city o province lockdown kung kinakailangan.

Kailangan din aniyang masiguro na matatag ang healthcare system kahit ano pa ang community quarantine classification habang dapat na masigurong nasusunod ang 30 percent capacity na dapat ilaan ng mga pribadong ospital at 50% naman sa mga pampublikong ospital na nakahanda para sa mga pasyenteng tatamaan ng virus.

Samantala, nilinaw ni Dr. Manuel Mapue, Regional Epidemiologist ng Department of Health National Capital Region (DOH-NCR) na wala pa talagang surge ng COVID-19 ngayon sa Metro Manila.

Sa kabila nito, nagkakaroon na aniya ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang lungsod sa NCR kabilang ang Las Piñas, Makati, Pasay at San Juan.

Kinumpirma naman ni Philippine General Hospital (PGH) Spokesperson Dr. Jonas del Rosario na 21 sa 72 lokal na kaso ng Delta COVID-19 variant sa bansa ang sinuri sa kanilang pagamutan at anim sa mga ito ang na-admit o na-confine doon.

Ayon kay Del Rosario, sa anim na na-admit, dalawa ang namatay at apat ang nakarekober.

Aniya, ang dalawang namatay ay hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 habang isa sa recoveries ang bakunado na at nakitaan lamang ng mild symptoms.

Kinumpirma rin niya na nagkakaroon ng pagtaas ng bilang ng admission ng mga pasyente ng COVID-19 sa PGH simula pa nitong unang linggo ng Hulyo.

Sa ngayon aniya, ang PGH ay mayroon nang 170 kaso ng COVID-19. (CHRISTIAN DALE)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment