NAGKAISA kay Tugade PUVs PAYAGAN NANG BUMIYAHE

0

PAYAGAN na ni Transportation Secretary Arthur Tugade na bumiyahe ang mga pampublikong sasakyan upang magkaroon na sila ng kita araw-araw.

Ang panawagang ito ng NAGKAISA Labor Coalition sa hepe ng Department of Transportation (DOTr) ang siyang makabuluhang gawin pabor sa mga opereytor at tsuper ng mga dyip, bus at iba pang pampublikong sasakyan, pahayag ni Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA.

Ang NAGKAISA ay kinabibilangan ng mahigit 40 organisasyon at unyon ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kumbinsido ang mga lider – manggagawa na bumubuo ng NAGKAISA na kailangan nang kumita ng mga opereytor at tsuper dahil mula pa noong Marso 17 ‘namimilipit’ ang sikmura nila at ng kani-kanilang pamilya dahil sa lockdown ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Natapos ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at iba pang rehiyon, ngunit hindi awtomatikong pinabyahe ng DOTr , o ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), ang mga pampublikong sasakyan.

Kaya, todo – suporta ang mga manggagawang kabilang sa NAGKAISA sa mga opereytor at tsuper ng pampublikong sasakyan, pahayag ni Matula, pangulo rin ng Federation of Free Workers (FFW).

Idiniin ni Matula na mainam ang balik – pasada kaysa bawasan ang isang metrong agwat ng mga pasahero ng mga pampublikong sasakyan dahil itong ideya ni Tugade ay walang pinagkaiba sa paghatid sa mga pasahero sa nakamamatay na coronavirus disease – 19 (COVID – 19).

Tulad ng mga manggagawa, dapat lamang kumita ang mga naghahanapbuhay sa sektor ng pampublikong sasakyan kahit mapanganib ang COVID – 19, paliwanag ni Matula.

Matatandaan na maraming nagreklamong mga opereytor at tsuper dahil napakalaking bilang sa kanilang hanay ay hindi naman nakatanggap ng ayudang pera mula sa DOTr at LTFRB.

Ganoon din ang mga manggagawa, kabilang na ang mga kasama sa NAGKAISA at FFW. (NELSON S. BADILLA)

Related posts

Leave a Comment