REPRODUCTIVE RIGHTS NG KABABAIHAN ISINUSULONG NI NOGRALES PAANAKAN ITATAYO SA RURAL AREAS

0

ISINUSULONG ni Rizal 2nd District Congressman Fidel Nograles ang Reproductive Rights ng kababaihang buntis kung saan nito gustong isilang ang kanilang anak.

Kasabay nito ang pagnanais ng mambabatas na mapatayuan ng birthing facilities o paanakan ang malalayong lugar sa bansa.

Sa House Bill 6477 o Expanded Reproductive Rights for women na inihain ni Nograles sa mababang kapulungan ng Kongreso, pinawawalang bisa nito ang anomang ordinansa ng Local Government Unit (LGU) na nagpapataw ng parusa sa kababaihan na nais manganak sa kanilang tahanan.

Napag-alaman ni Nograles na may mga LGU na nagpapairal ng ordinansa na nagbabawal sa mga buntis na manganak sa bahay na tinawag na ‘No Home Birthing’ na mayroong katapat na parusa na imprisonment o multa na siyang dahilan upang isulong ni Nograles ang HB6477.

Sa section 5 ng nasabing panukalang batas, inaatasan ang Department of Health (DOH) na magbigay ng safety guidelines para sa home birth, kabilang na ang LGBT home birth, pagbibigay ng training, skills at qualification for health care professionals para malaman ng kababaihan kung qualified silang manganak sa bahay at kung sino ang pwedeng tumulong sa kanila sa panganganak.

“Karapatan ng mga babae na mamili kung saan nila gustong manganak at kung gusto nilang manganak sa bahay ay mayroon silang mga safety guidelines na kailangang sundin,” saad pa ni Nograles.

Inihalimbawa pa ng mambabatas ang kaugalian ng mga katutubong Mangyan na nanganganak na squat position habang sa kultura ng ibang Indigenous Peoples’ ay labag ang manganak sa health care facilities o ospital.

Nakapaloob din sa naturang batas na ang DOH, katuwang ang DPWH ay magtatayo ng Birthing Facilities o Maternal Building lalo na sa mga rural area.

Samantala, isa pang panukalang batas na isinusulong ni Nograles ay ang hatiin ang 2nd district ng lalawigan ng Rizal.

Nabatid na sa kasalukuyan ay may 1,080,000 populasyon ang nabanggit na distrito na siyang pinakamalaki sa buong Pilipinas.

Ayon kay Nograles, sa ilalim ng batas, kapag umabot na sa 250,000 ang populasyon ay maaari ka nang magkaroon ng kinatawan sa Kongreso kaya’t kwalipikado na magkaroon ng tatlong mambabatas at mahati ang 2nd district sa tatlong distrito. TJ DELOS REYES

Related posts

Leave a Comment