NATIONWIDE GCQ, POSIBLE SA AGOSTO – MALAKANYANG

PINALUTANG ng Malakanyang ang posibilidad na isailalim sa general community quarantine (GCQ) ang buong bansa sa Agosto.

Ani Presidential Spokesperson Harry Roque, maaari at posibleng ipatupad ang GCQ sa buong bansa sa Agosto sa kondisyong ang lahat ng Filipino ay kailangan na susundin ang quarantine protocols ng pamahalaan na ipinatutupad para mapigil ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Pero sa ngayon po, for purposes of planning, we’re assuming that with (the) cooperation of everyone, pupwede na po na buong Pilipinas ay mag-GCQ by August,” ayon kay Sec. Roque.

Nabanggit ni Sec. Roque ang ideya na ito nang tiyakin niya sa publiko na ang Pilipinas ay nananatiling nasa first wave ng COVID-19 pandemic, taliwas sa naunang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque na ang bansa ay nahaharap ngayon sa second wave ng outbreak.

“We’re hoping that by August 24, which is the mandated day para magsimula ang mga public school, ay nasa GCQ na po ang buong Pilipinas,” ang pahayag ni Sec. Roque.

Sa isang kalatas, sinabi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines na nangangamba ang mga magulang, guro at mga mag-aaral “due to the threat of acquiring or passing onto others the virus.”

Ang garantiya naman ni Sec. Roque, hindi ilalagay ng pamahalaan sa panganib ang buhay ng mga estudyante sa gitna ng COVID-19 crisis.

“Hinding-hindi po natin ilalagay sa aberya ang ating mga kabataan. Kung kinakailangan pong huwag buksan dahil mataas pa ang mga kaso o nagkaroon ng second wave, eh siguro po magkakaroon ng ganyang desisyon,” aniya pa rin.

Dagdag pa ni Sec. Roque, nakatakdang magpulong ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ngayong araw ng Biyernes. Ang IATF ang nagbibigay ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kapalaran ng nationwide community quarantine.

Hindi naman binanggit ni Sec. Roque ang agenda ng IATF-EID sa susunod na pulong nito. CHRISTIAN DALE

Related posts

Leave a Comment