NEW CLARK CITY SPORTS COMPLEX ‘DI MASASAYANG

(NI NOEL ABUEL)

TIWALA si Senador Win Gatchalian na hindi masasayang ang ipinatayong New Clark City Sports Complex para sa nalalapit na Southeast Asian (SEA) Games.

Ito ang sinabi ni  Gatchalian sa kabila ng mga batikos hinggil sa pagpapatayo ng New Clark City Sports Complex kung saan mapakikinabangan pa rin umano ang naturang pasilidad kahit tapos na ang kumpetisyon.

Ayon sa senador, magagamit ito para sa binabalak na ipatatayong Philippine High School for Sports (PHSS).

Si Gatchalian ang isa sa mga naghain ng Senate Bill 1086 o Philippine High School for Sports Act of 2019 na naglalayong magtatag ng isang paaralang huhubog sa mga susunod na henerasyon ng mga batang atleta.

Layon din ng panukalang batas na magkaroon ng pasilidad na pang world class na itatayo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa New Clark City. Ang BCDA ang nakatakdang magpatayo ng mga silid-aralan, dormitoryo at iba pang mga pasilidad.

Ayon sa Chair ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang pagpapatayo ng sports complex sa New Clark City ay isang hakbang para maipakita ang suporta ng gobyerno sa mga atleta at maihanda na rin ang mga batang nangangarap na maging mga propesyunal na manlalaro balang araw.

Mas mainam, ani Gatchalian, na simulan pa lang sa murang edad ang pagsasanay ng mga atleta upang makasabak ang bansa sa anumang international competition.

211

Related posts

Leave a Comment