NO VAX, NO RIDE POLICY, BAWIIN NA LANG

DAHIL nakakagugulo lang sa lahat, dapat bawiin na lamang ng gobyerno ang ipinatutupad na ‘no vaccination, no ride policy’.

Ito ang binigyang-diin ni Senadora Risa Hontiveros kasunod ng paglilinaw ng Department of Transportation na exempted sa polisiya ang mga manggagawa.

Iginiit ng mambabatas na hindi kinakailangan ang paglilinaw at kalituhan sa pagpapatupad ng polisiya kung pinag-isipang mabuti at dumaan ito sa konsultasyon bago ipinatupad.

“Binulabog lang nila ang mga commuters,” saad ni Hontiveros.

Wala rin anyang saysay ang paglilinaw lalo’t kailangan pang patunayan ng manggagawa na ‘essential worker’ siya bago makasakay sa pampublikong transportasyon.

Tanong din ng mambabatas kung ano ang mangyayari sa mga nasa hanay ng informal economy at ang mga naghahanap ng trabaho subalit unvaccinated o partially vaccinated pa lang.

Binigyang-diin ng senador na ngayong panahon ng pandemya, lahat ng diskarte para kumita at makapaghanapbuhay ay essential kaya’t lahat ng manggagawa ay dapat ituring na essential workers.

“Essential service ang pampublikong transportasyon para sa lahat. Hindi ito dapat ipinagkakait lalo pa sa ating mga manggagawa, vaccinated man o hindi,” paalala pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

71

Related posts

Leave a Comment