OFWs PINAUUNA SA BAKUNA

UMAPELA si Senador Manny Pacquiao sa pamahalaan na bigyan ng prayoridad sa pagbabakuna ang overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sanhi ng pananalasa ng corona virus 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa panayam matapos mamigay ng ayuda sa mga senior citizen at OFWs sa Quezon City, sinabi ni Pacquiao na dapat mabigyan ng prayoridad ang ating manggagawa na nawalan ng trabaho sa abroad upang makabalik na sila sa kanilang hanapbuhay.

“Napakahalaga ng papel na ginampanan ng mga OFWs upang mas mabilis na makabangon ang ating ekonomiya na nalugmok sanhi ng pandemya,” giit ni Pacquiao.

Sinabi ni Pacquiao na mahigit 11 porsiyento ng kabuuang Gross Domestic Products ng bansa ang nagmumumula sa remittance ng OFWs na itinuturing bilang “economic frontliners.”

“Dahil sa milyon-milyong OFWs, naging ikaapat ang Pilipinas sa mga pangunahing remittance capital sa buong mundo na labis na nakatutulong sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa,” ayon kay Pacquiao.

Samantala, walang pagsidlan ng kasiyahan ang maraming residente ng Quezon City nang bisitahin sila nitong Linggo ni Pacquiao.

Bukod sa nakita nilang personal ang pambansang kamao, nakatanggap din ang mahigit isang libong senior citizens ng ayudang walong kilong bigas, groceries, medicine kits at roasted chicken kabilang ang ilang residente sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Personal ding inabutan ng senador ng tig-iisang libong pisong cash gift ang mga dumalo sa kanyang gift giving activity sa Manuel L. Quezon Elementary School, partikular na ang matatanda at mahihirap na pamilyang lubos na naapektuhan ng pandemya.

Naisagawa naman nang maayos at may sapat na safety protocols at social distancing ang pamimigay ng ayuda. (ESTONG REYES)

57

Related posts

Leave a Comment