ONLINE PROTEST NGAYONG LABOR DAY, OKAY SA MALAKANYANG

0

WALANG problema sa Malakanyang kung magpahayag man ng hinaing ang mga manggagawa bukas, Araw ng Paggawa.

Kailangan lamang na sundin ng mga ito ang quarantine protocols na ipinatutupad ng pamahalaan para pigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

“Hinahayaan naman po natin na magsalita at ilabas ang hinaing ng ating mga uring manggagawa,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Nakarating sa kaalaman ni Sec. Roque na sa halip na ang kadalasang massive assembly kada Mayo 1, ang labor groups ay naghahanda na ng kanilang annual Labor Day protests online.

Iyon nga lamang, ang paalala ni Sec. Roque sa mga manggagawa ay ipinagbabawal sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang mass gathering dahil sa COVID-19 crisis.

“Bawal po ang physical gathering ‘no. So puwede naman po kayong magprotesta online kung ninanais ninyo. Huwag lang nating lalabagin iyong ECQ dahil mas malaking banta iyan sa kalusugan,” aniya pa rin.

May ilang labor groups gaya ng Kilusang Mayo Uno at Nagkaisa Labor Coalition, ang nagpaplano na maglunsad ng online protest, sa halip na ang tradisyonal na protesta sa Mendiola Peace Arch sa lungsod ng Maynila.

Hinikayat naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ang mga manggagawa na makiisa sa noise barrage bukas, Labor Day sa pamamagitan ng pagpapaingay at pagkalampag sa mga walang laman na kaldero at kawali sa harap ng kanilang bahay.

Sa kabilang dako, humirit naman ang labor groups ng paid quarantine leave, guaranteed income at hazard pay dahil sa COVID-19 pandemic.

Ani Sec. Roque, kasalukuyan nang gumagawa ang pamahalaan ng recovery plan para sa mga manggagawa.

“Mag a-unveil po tayo ng recovery plan para nga po sa ating mga manggagawa. It will be announced on May 1,” ayon sa kalihim.

Maliban aniya sa recovery plan para sa mga manggagawa ay may ilang programa na aniya ang inilunsad ng gobyerno para tulungan ang mga displaced worker na panatilihin ang kanilang pangangailangan bunsod ng COVID-19 crisis.

Sa katunayan nga aniya, simula nang sumipa ang COVID-19 pandemic, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay agad nagpatupad ng COVID-19 Adjustment Program at

Tulong Panghanapbuhay sa Displaced or Disadvantaged Workers Program.

Sa ngayon, may 2.3 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 outbreak. CHRISTIAN DALE

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment