Oobligahin na lang sa mga ospital GOODBYE FACE SHIELD

IKINATUWA sa mababang kapulungan ng Kongreso ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang obligahin ang publiko na magsuot ng face shield paglabas ng kanilang bahay.

Ayon kay ACT-CIS party-list Rep. Jocelyn Tulfo na unang nanawagan na tanggalin na ang face shield dahil wala umanong patunay na epektibo ito sa pag-iwas sa COVID-19, malaki ang matitipid ng mga tao sa desisyon ng pangulo.

“Tama si President Duterte na sa mga ospital at iba pang medical facilities lang talaga pinaka kailangang magsuot ng face shields,” ayon sa mambabatas dahil dagdag gastos lang aniya ito sa mga tao.

Nagkakahalaga ang face shield ng P35 at hindi ito pangmatagalang gamitin dahil lumalabo at nasisira ang plastic shield bukod pa sa wala naman umanong silbi.

Dahil dito, dapat abisuhan aniya ang lahat ng law enforcers at iba pang nagpapatupad ng health protocols na hindi dapat hulihin ang mga tao na walang suot na face shield.

“The IATF and NTF must always consider practicality and ease of compliance. This is why I have been pushing for SIMPLIFIED RULES instead of the many different rules which ordinary people and frontline implementers have trouble understanding,” ayon pa sa mambabatas.

Umaasa naman si Rep. Alfredo Garbin Jr., na susunod na rin ang mga establisimyento sa direktibang ito ng pangulo dahil halos lahat sa mga ito ay hindi nagpapapasok kapag walang face shield. Gayundin sa government offices.

Kahapon, kinumpirma ni Presidential spokesperson Harry Roque na payag si Pangulong Duterte na sa ospital na lamang magsuot ng face shield.

“I can only confirm what Senate President Tito Sotto and what Senator Joel Villanueva said earlier that the president did say.. that the wearing of face shield should only be in hospitals,” ayon kay Sec.Roque.

“What the President has decided, then that’s the policy. This is without prejudice to IATF appealing possibly noh? Alam ninyo kasi ang posisyon naman ng DoH, eh may mga pagkakataon naman talaga dapat eh isuot pa ang face shield, noh? At ito po iyong lalong-lalo na iyong kapag nasa indoors na maraming tao,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Ang posible aniyang magiging hakbang ng IATF sa usaping ito ay umapela sa sinabi ng pangulo.

Nauna na itong inihayag ni Senate President Vicente Sotto III sa kanyang Twitter post.

Tinawagan pa ng pansin ni Sotto ang Department of Health (DOH) sa kaniyang naturang post.

Samantala, para naman kay UP-OCTA Research Team Fellow Prof. Ranjit Rye, hindi pa napapanahon para magluwag at magpakakumpiyansa.

Sabi ni Rye, bago magluwag dapat ikonsidera ng pamahalaan na may variants pa ng COVID-19 ang kumakalat sa mundo.

Bukod dito, masyadong atrasado aniya ang pagbabakuna sa bansa kaya hindi pa dapat pinag-uusapan ang pagluluwag sa health protocols. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

54

Related posts

Leave a Comment