OPISYAL NA TUMANGGAP NG GCTA FEE IBUBUKING SA SENADO

bucor55

(NI NOEL ABUEL)

DALAWA pang testigo ang ihaharap ng Senado kaugnay ng isinasagawang pagsisiyasat ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa inimplementang Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.

Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, ang dalawang testigo ay pawang mga inmates na nakalaya dahil sa GCTA kung saan lalong magdidiin sa ilang opisyales ng Bureau of Corrections (Bucor).

“May dalawa na sumurrender, sasabihin nila kung kanino sila naglagay para makalabas, kaya lalaki na naman itong issue,” ayon kay Sotto sa pahayag nito sa News TV.

“Itong dalawa, nagpasabi sa akin, through emissary, na magtatapat daw sila kung sino ang pinaglagyan nila,” dagdag pa nito.

Aniya, nakipagkita na umano ang mga ito sa kanya noong nakalipas na araw na hiwalay pa sa tatlong tauhan ng Bucor na dapat ay tetestigo sa pagdinig ng komite subalit nagbago ng isip dahil sa pangamba sa buhay ng mga ito.

Dahil dito, tiyak aniyang hahaba pa lalo ang imbestigasyon ng Senado sa GCTA controversy para madiin ang mga opisyales ng mga ito sa kurapsyon.

“‘Yung sa Committee on Justice, ang irereport-out nu’n ay ‘yung sa bills increasing penalty on perjury saka having a separate penal institution for high profile inmates. After nu’n, siguro puwede nang tapusin. Pero ‘yung sa Blue Ribbon Committee, hindi ‘yun matitigil muna,” sabi pa ni Sotto.

Samantala, sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na sa kabila ng nangyayaring kabulukan sa Bucor ay umaasa pa rin ito ng pag-asa na marereporma pa ito.

“Dapat lagi natin isipin may pag-asa. Pag inisip nating walang pag-asa magmumukmok tayo wala na talagang pag-asa. Kung mag-isip tayo positibo may pag-asa meron tayong pag-asa. Nasa atin ‘yan, tayo kasi nagdadala,” aniya.

Sinabi pa nito na mananatili sa Senado ang tatlong opisyales ng Bucor hanggang sa Setyembre 19 kung saan malalaman kung mananatili pa rin ang mga ito dahil sa pagsisinungaling.

Sina NBP hospital doctor Ursicio Cenas, BuCor legal chief Fredric Santos at BuCor documents chief Ramoncito Roque ay kinasuhan ng perjury ng mga senador.

“May pagdinig sa Sept. 19, pwede doon i-decide kung pwede na sila palabasin o hindi. Depende kung ano magiging demeanor or attitude nila sa susunod na pagdinig,” sabi pa ni Lacson.

 

226

Related posts

Leave a Comment