OSPITAL NA TATANGGI SA PASYENTE IPATATAWAG SA SENADO

IKINABABAHALA ng isang senador ang pagsasawalang bahala ng ilang ospital sa itinatakda ng Republic Act No. 10932 o ang “Anti-Hospital Deposit Law”.

Ito ay sa kabila ng paulit-ulit na paalala at pag-apela sa mga ospital na huwag tumanggi sa mga pasyente sa gitna ng patuloy na pag-aalsa ng coronavirus (COVID-19) sa bansa.
Dahil dito, hiniling ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na magsagawa ng agarang pagsisiyasat sa pagtaas ng bilang ng mga kasong ito at papanagutin ang mga opisyal ng lumalabag na ospital.

“Ilang beses na akong umapela sa mga ospital na huwag itaboy ang mga pasyente,

lalung-lalo na ang mga nangangailangan ng emergency care,” sabi ni Go.

“Alam ko na nahihirapan tayong lahat dahil sa health crisis dulot ng COVID-19.

Kulang tayo sa kagamitan sa ospital, tulad ng PPEs. Lampas sa kapasidad ang karamihan sa mga pasilidad pero hindi ito dahilan upang hindi tanggapin ang mga nangangailangan ng agarang tulong medikal,” dagdag pa nito.

Inihalimbawa nito ang naiulat na isang babae sa Caloocan City na namatay sa panganganak matapos tanggihan ng anim na ospital habang ang isa pang pasyente ay hiningan ng bayad o deposito bago tanggapin sa ospital.

“May batas tayo na naglalatag kung ano ang dapat gawin ng mga ospital. Mandato ninyo na sagipin ang buhay ng bawat taong hihingi sa inyo ng tulong,” giit ni Go.

Ipinaalala nito na sinoman na mapatutunayang tumatanggi sa pasyente ay papatawan ng multang P500,000 hanggang P1,000,000 at pagkakakulong ng apat hanggang anim na taon. NOEL ABUEL

53

Related posts

Leave a Comment