P1.6-B LOAN CONDONATION SA LOPEZ COMPANIES HIHIMAYIN SA KONGRESO

0

PINAIIMBESTIGAHAN ni ACT-CIS partylist Rep. Eric Go Yap at ilan pang mambabatas ang Development Bank of the Philippines (DBP) dahil sa umanoy loan condonation o utang na hindi na pinabayaran na aabot sa P1.6 bilyon pabor sa mga kumpanya na pag-aari ng pamilya Lopez.

Ayon kay Yap, myembro ng legislative franchise committee, nadiskubre ang naturang condonation o write-off  ng naturang halaga base na rin sa mga isinumiteng dokumento ng ABS-CBN sa isinagawang pagdinig sa kongreso ukol sa kanilang prangkisa kamakailan.

“Kung totoo ito, napakalaki ng nawalang pera sa pamahalaan, at napakalaking kalugihan nito sa ating gobyerno. Kaya hindi dapat ito palampasin at agad na maimbestigahan,” ani Yap.

Giit pa ng mambabatas kaya nila ipinatawag ang imbestigasyon sa Kongreso ay para pagpaliwanagin ang DBP ukol sa isyu.

“HIndi natin nais gipitin ang pamilya Lopez, ang gusto namin ay lumabas kung ano ang katotohanan dito, kaya nga ipapatawag natin ang DBP para linawin ang tungkol dito,” ani Yap.

Ayon sa mambabatas, sosobra sa P1.6 billion ang halaga na sumailalim sa loan condonation na pinakinabangan ng Benpres Holdings Corp. (ngayon ay Lopez Holdings Corp.) na siyang nabigyan ng pinakamalaking rights sa mga ABS-CBN corporation shares. Nakinabang din daw ang iba pang kumpanya ng mga Lopez sa naturang condonation.

“Maraming pwedeng paggamitan ang P1.6 billion na dapat sana ay napakinabangan ng publiko lalo na ngayong panahon ng pandemya,” dagdag pa ni Yap.

Bukod sa mga kinatawan ng DBP, inatasan din ni Yap ang mga ito na dalhin ang lahat ng kaukulang dokumento ukol sa nasabing loan condonation. (CESAR BARQUILLA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment