P142-B UUTANGIN SA CHINA PARA SA PNR BICOL PROJECT

NAKATAKDANG mangutang ulit ang pamahalaan para matustusan ang P142-bilyong halagang kailangan sa proyektong South Long Haul ng Philippine National Railways (PNR) sa Bicolandia.

Sa isang mensahe, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan na tuloy ang pangungutang para sa “design and build contract” para sa unang bahagi ng naturang proyekto.

Aniya, hiniling na rin ng kagawaran sa Department of Finance (DOF) para sa formal request sa bansang China na una nang nagpahayag ng kahandaang pondohan ang proyektong sila rin ang gagawa.

Una nang lumagda ang DOTR ng isang kontratang naggagawad ng joint venture project sa China Railway Group Ltd., China Railway No. 3 Engineering Group Co. Ltd., at China Railway Engineering Consulting Group Co. Ltd. (CREC JV) para sa disenyo at aktuwal na konstruksyon ng Phase 1 ng PNR Bicol project na may habang 380 kilometrong babagtas mula Banlic, Calamba hanggang Daraga, Albay.

“Generally, China may finance up to 85% of the contract amount, with the balance to be funded by the local counterpart budget,” ani Batan.

“The final terms of the loan, including the percentage that will be financed by China, will be subject to loan negotiations by DOF,” dagdag pa niya.

Aniya, hindi sisimulan ng pinaborang kontratista ang proyekto hangga’t hindi pa nilagdaan ng China ang loan kung saan magmumula ang pondong gagamitin sa unang bahagi ng naturang imprastraktura.

“The Contract that we signed does not become effective until the Loan Agreement with China becomes effective,” pahabol pa niya.

Sa ilalim ng Phase 1 ng proyekto, magtatayo ng 23 istasyon, 230 tulay, 10 passenger tunnels at isang 70-ektaryang depot para sa mga bagon ng tren.

Sa datos ng DOTR, may kabuuang habang 565 kilometro ang nasabing railway project ng gobyerno.

Pagyayabang pa ng opisyal, ang dating 12 oras na biyahe mula Metro Manila hanggang Bicol at magiging apat na oras na lang, gamit ang mga makabagong treng may kakayahang tumakbo sa bilis na 160 kilometers per hour. (CHRISTIAN DALE)

Related posts

Leave a Comment