P5 ATM FEES BAWAT TRANSAKSIYON ISINUSULONG

atm55

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAIS ng ilang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na kontrolin na ng estado ang Automated Teller Machines (ATM) charges upang maproteksyunan ang interes ng mamamayan.

Sa House Bill (HB) 4019 na iniakda nina Bayan Muna party-list Reps. Carlos Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat, nais ng mga ito na ipako sa P5 ang ATM fees, taliwas sa kasalukuyang P10 hanggang P15 ang kinakaltas ng mga ito ATM cardholders kapag nagwi-withdraw ang mga ito.

Gayunpaman, tanging sa mga interbank transaction  ipatutupad ang P5 ATM fees o kapag sa ibang bangko nagwi-withdraw ang isang ATM cardholders at kapag sa sariling bangko nagkaroon ng transaksyon o ang tinatawag na “intrabank transaction” ay dapat libre na aniya ito.

Katuwiran ng mga nabanggit na mambabatas  ay pinakikinabangan ng mga bangko ang pera ng mga depositors kaya nararapat lamang umano na hindi maningil ang mga ito.

Kapag nag-balance inquiry naman ang mga ATM cardholders, sa sarili o kaya sa ibang bangko ay hindi na umano dapat singilin ang mga ito dahil wala naman inilabas na pera ito.

Sa ngayon ay sinisingil ang mga ATM cardholders ng P2 kapag nag-balance inquiry lang ang mga ito na hindi umano makaratungan lalo na sa mga mga ordinaryong mamamayan.

Samantala, inatasan naman ni Makati Rep. Luis Campos Jr., ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ilantad ang pangalan ng mga bangko na nag-apply pa para magtaas ng ATM fees matapos tanggalin na ang moratorium sa ATM fees matapos ang anim na taon.

Ayon kay Campos, karapatan ng mga ATM cardholders na malaman kung sino-sinong mga bangko ang atat na magtaas ng ATM fees kaya dapat umanong pangalanan ang mga ito ng BSP.

 

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment