P550,000 kada Chinese ‘SUHULAN’ SA BI MALAKIHAN NA

0

(NELSON S. BADILLA)

NAGPATULOY pa rin ang korapsyon sa Bureau of Immigration (BI) kung saan malakihan na ang pinag-uusapang pera.

Ayon sa sources sa Senado, aabot na sa P550,000 ang ‘suhol’ kada Chinese upang makapasok ito sa Pilipinas, sa pamamagitan ng tanggapan ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nang ‘maayos’ at ‘malinis’.

Napakalaki ng P550,000 suhol, o padulas, mula sa P10,000 na hatag sa sindikatong “pastilyas” sa BI na nakabase sa NAIA kada Chinese na papasok sa bansa.

Ang P10,000 ay hatag ng mga Chinese na walang tinatawag na visa upon arrival (VUA) sa NAIA.

Ang P550,000 ay sinasabing kabuuang halaga sa pag-aayos ng lahat ng mga dokumentong kailangan upang masabing “legal” ang pagpasok at pananatili ng Chinese national sa bansa.

Planong magsagawa ng imbestigasyon ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality hinggil sa bagong diskarte ng korapsyon sa BI.

Ang inisyal na paniwala ng pinuno ng nasabing komite na si Senadora Risa Hontiveros, pagpapatuloy at pagpapaunlad lamang ng pastilyas gang ang bagong halaga ng singil sa pagpasok ng mga Chinese sa bansa.

Nakapila na sa Office of the Ombudsman (OMB) ang kaso ng mga opisyal at kawani ng BI na sangkot sa sindikatong pastilyas.

Ang impormasyon sa Senado ay nakarating na rin sa tanggapan ni BI Commissioner Jaime Morente.

Katunayan, pinaiimbestigahan na niya ang anomalya.

Ibinatay ni Morente ang imbestigasyon sa impormasyong nasakote ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang “Vivan Lara”.

Nakuhaan si Lara ng P900,000 sa NBI entrapment operation ilang araw na ang nakalipas.

Hiningan umano ni Lara ng P900,000 ang kanyang mga kliyenteng Intsik upang makapasok sa Pilipinas nang walang aberya.

Hindi empleyado ng BI si Lara.

Siya ay empleyado umano ng Calalang Law Office na mayroong akreditasyon upang makipagtransaksiyon sa BI.

Paso na ang personal accreditation ni Lara sa BI noong Enero pa, ngunit nagulat ang tanggapan ni Morente kung bakit nakapasok pa ito sa BI upang mag-asikaso ng mga dokumento ng mga banyaga.

Dahil sa imbestigasyong ipinag-utos ni Morente, ipinasuspinde niya ang akreditasyon ng Calalang Law Office.

Kasama rin sa imbestigasyon ang security force ng BI dahil nagpapasok ito ng taong wala nang “opisyal” na kaugnayan sa BI.

Matatandaang isa sa mga kinasuhan ng katiwalian at korapsyon sa OMB dahil sa ilegal na operasyon ng sindikatong pastilyas ay isang security guard na nakalulula ang yaman.

Ang P550,000 suhol bawat Chinese ang panibago umanong diskarte ng korapsyon sa BI.

Ang BI ay pinamumunuan ng retiradong heneral mula Philippine National Police (PNP) na si Morente. Itinalaga siya ni Pangulong Rodrigo Duterte upang matuldukan ang korapsyon sa BI.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment